MGA NAGSUSULONG NG REVGOV, PINAYUHANG TUMULONG NA LANG SA LABAN SA COVID 19

PINAYUHAN ni Senador Manny Pacquiao ang grupong nagsusulong ng revolutionary government na ituon na lang ang kanilang atensyon sa pagtulong sa gobyerno sa kampanya laban sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Pacman na mas makabubuting gamitin ng grupo ang kanilang pondo sa pagbili ng mga PCR testing kits at i-donate sa publiko para sa libreng testing.

Iginiit ni Pacquiao na hindi napapanahon at insensitive ang pagsusulong ngayon ng revolutionary governnment.

“Nagsalita na ang ating mahal na Pangulong Duterte. Sana naman kung tunay po kayong nagmamalasakit sa Pangulo at sa sambayanang Pilipino ay isantabi niyo na po ang inyong isinusulong
na revolutionary government. Mas makakabuti na gamitin na lang ang pondo para matulungan ang ating pamahalaan upang mapigilan ang pagdami ng mga nahahawa sa COVID-19,” saad ni Pacquiao.

Maituturing din anyang paglabag sa konstitusyon ang pagbuo ng revolutionary government at maaaring maharap sa kasong treason ang gumagawa nito.

“Huwag na po natin ipilit ito lalo na ngayon na halos wala nang makain ang iba nating mga kababayan dahil sa pandemya. Mas mabuti na sa halip na ubusin natin ang ating panahon sa mga bagay na lalo  lamang nagiging dahilan ng pagkakawatak-watak natin ay gamitin na lang natin ito upang makatulong sa ating mga kababayan,” diin pa ni Pacquiao. (DANG SAMSON-GARCIA)

65

Related posts

Leave a Comment