CAVITE – Inaresto ng Cavite Police ang 24 hinihinalang tulak ng ilegal na droga at limang adik na aaktuhan habang humihitit ng marijuana sa magkahiwalay na operasyon sa Trece Martires City at Bacoor City.
Nahaharap sa kasong paglabag RA 11332 at RA 9165 ang arestadong sina Morri Osorio, 20; Dan Ryan Osorio, 21; Ryan Asinas, 29; Joshua Arcangel, 23, pawang residente ng Brgy. Alima, Bacoor Cavite, at Kriztian Lurico y Ugalino, 20, ng 145 Brgy. Kaingen, Bacoor City, Cavite.
Dakong alas-5:30 ng hapon noong Lunes, nakatanggap ng tawag ang Bacoor City Police mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y ginagawang pot session sa Alima Tramo, Brgy. Alima ng naturang lungsod dahilan upang magsagawa ng operasyon at naaktuhan ang lima katao habang himihitit ng marijuana.
Samantala, 21 drug suspect ang dinampot sa isinagawang buy-bust operation sa Trece Martires City at Bacoor City sa pagitan ng alas-6:30 ng hapon hanggang alas-12:10 nitong Martes ng madaling araw.
Sa ulat ng Cavite Police Provincial Office (CPPO), 18 katao ang inaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Habay at Dulong Bayan sa Bacoor City habang tatlo namang ang dinampot sa Brgy. Hugo Peres at Brgy. Lapidario sa Trece Martires City. (SIGFRED ADSUARA)
221
