P2.7-B HALAGA NG 49 BJMP PROJECTS, PUMALPAK – COA

NATUKOY sa ulat ng Commission on Audit (COA) na pumalpak ang ipinatupad ng Bureau of Management and Penology (BJMP) na 49 proyekto nito na umaabot sa P2.7 bilyon ang halaga.

Dahil sa kapalpakang ito, hindi napaluwag ng BJMP ang mga kulungan nito sa libo-libong bilanggo, saad ng COA.

Ang BJMP ay matagal na ring pinamumunuan ni Director Allan Iral.

Nakasaad sa COA 2019 Report ang mistulang pangaral sa BJMP sa pamumuno ni Iral na: “The delayed completion of 49 projects with a total amount of P2,762,141,293.54 hampered the BJMP’s objective of providing functional and responsive jail facilities to inmates.”

Anim sa hindi napatupad na 49 proyekto ay ang Quezon City Jail at Quezon City female dormitory na parehong nakabase sa Quezon City at Quezon City Jail annex at Metro Manila District Jail na parehong nasa loob ng Camp Bagong Diwa sa Lungsod ng Taguig.

Ang kabuuang halaga ng anim na ito ay P2.608 bilyon, ayon sa COA.

Ibig sabihin, ito ay bulto ng P2.7 bilyong halaga ng proyekto ng BJMP.

Idinahilan naman ng BJMP na ang pagkaantala sa pagpapatupad ng mga proyekto ay resulta ng negative slippages, hindi magandang klima sa pagtatrabaho, mabagal na soil testing, mabagal na pag-apruba sa detalye ng disenyong architectural at engineering at pagtanggal ng mga basura sa mga lugar na tatayuan ng mga proyekto.

Idiniin ng COA na ang mga palusot ng pamunuan ng BJMP na mga balakid sa 49 proyekto ay naiwasan sana kung ang BJMP ay nagsagawa lamang ng detalyadong engineering studies, surveys at mga disenyo bago ilunsad ang subasta (bidding) at paggawad ng mga kontrata sa kumpanyang nanalo sa subasta, alinsunod sa itinakda at ipinag-utos ng Republic Act 9184, o ang Government Procurement Reform Act.

Ang puntong iginiit ng COA sa ulat nito ay hindi kinilala at hindi sinunod ng pamunuan ng BJMP ang mga kinakailangang gawing tama at legal na proseso sa paglulunsad ng proyekto. (NELSON S. BADILLA)

115

Related posts

Leave a Comment