ISINARA nang pansamantala ang kabuuan ng dalawang ospital sa Antipolo City nang magpositibo sa coronavirus ang ilan sa kanilang mga empleyado.
Ayon kay Antipolo City Mayor Andrea Ynares, hanggang ngayong Linggo mananatiling sarado ang outpatient department ng Rizal Provincial Hospital System Annex 2 sa Barangay Dalig.
Ito ay makaraang magpositibo sa COVID-19 ang ilan sa mga staff nito.
Matatandaan, noong Setyembre 1 ay isinarado ang OPD ng naturang ospital dahil nagpositibo sa virus ang mahigit isang dosenang empleyado nito.
Bubuksan na sana ito noong Biyernes para muling tumanggap ng mga pasyente ngunit lumabas na positibo rin sa COVID-19 ang 24 iba pang empleyado ng ospital kaya pinalawig hanggang Setyembre 6 ang pagsasara nito.
Kasabay nito, pansamantala ring magsasara sa susunod na mga araw ang ilang bahagi ng Antipolo City Hospital System Annex 4 sa Barangay Mambugan, dahil kumpirmadong may COVID-19 ang 18 medical frontliners nito.
Ito’y para bigyang daan ang disinfection activities.
Sa mga mangangailangan ng hospital services, maaaring magtungo sa RPHS Antipolo Annex 1 sa NHA Avenue, Barangay dela Paz sa mga karatig-lungsod. (CATHERINE CUETO)
