HINDI dapat magpakakampante ang taumbayan na porke’t unti-unti na raw bumababa ang kaso ng Covid-19 sa bansa ay hindi na tayo mag-iingat.
Sa pag-iikot ng PUNA, sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila na tila napansin natin na hindi na nasusunod ang physical distancing.
Hindi maitatago na maraming tao na ang lumalabas dahil nakakaranas na naman ang ibat-ibang kalye sa Metro Manila nang pagsisikip ng daloy ng mga sasakyan.
Tulad na lang halimbawa ang area ng Commonwealth partikular sa may Fairview, Quezon City tuwing hapon ay asahan na ang trapik.
Maging ang kanto ng Mindanao Avenue at Quirino Highway sa Quezon City ay nakakaranas na rin ng pagsisikip sa daloy ng mga sasakyan.
Napu-PUNA na rin natin na bihira na ang mga awtoridad na nagbabantay sa mga pasaway na hindi sumusunod sa physical distancing at tamang paggamit ng face mask at face shield.
Kung tutuusin ay hindi pa nawawala ang veerus ng Covid-19 nariyan pa rin medyo bumagal lang ang mga nahahawaan.
Kaya nga dapat hindi tayo maging kampante nariyan lang ang veerus nag-aabang ng kanyang makakapitan.
Hanggat wala pang bakuna laban sa Covid-19 ay hindi pa rin tayo ligtas sa kalaban na hindi natin nakikita.
Simple lang po ang gagawin natin para makaiwas sa veerus laging maghugas ng kamay, maglagay lagi ng alcohol, magsuot ng face shield, face mask at umiwas muna sa maraming tao.
Magpasalamat po tayo kung bumababa na ang kaso ng Covid-19 sa bansa, pero tatandaan po natin may kaakibat yan na responsabilidad nating lahat.
Hanggat maaari po kung wala namang tayong importanteng gagawin sa labas ay magkulong po muna tayo sa ating bahay. Konting tiis pa.
Dahil pag nadapuan po tayo ng Covid-19 sa ginagawa nating madalas na paglabas ng bahay kahit wala namang tayong importanteng gagawin, ang mga sarili na po natin ang may kasalanan.
Tayo na po mismo ang nagpahamak sa ating pamilya at iba pang kamag-anak.
Ayon sa pag-aaral ng mga health experts pami-pamilya at sa mga trabaho na ang hawaan.
Kaya nga po ngayon ay hindi na tayo maaaring makapasok sa mga establisemento tulad ng malls at iba pa kung wala po tayong suot na face shield at face mask.
Kahit na po hirap tayo makahinga sa pagsusuot ng face mask at face shield ay kailangan po nating gawin yan para sa ating mga kalusugan.
Ika nga ito na ngayon ang tinatawag na “new normal”, kailangan po natin magsakripisyo para sa ating mga mahal sa buhay.
Lilipas din ang krisis na ito sa awa ng ating Panginoon.
Sa ulat ng Department of Health (DOH), ‘as of September 9, 2020 ang kabuuang bilang ng Covid-19 cases ay nasa 245,143 na.
Ang mga bagong gumaling ay 376 na nagdala ng kabuuang bilang ng recoveries ay 185,543.
Ang kabuung bilang ng kumpirmadong kaso ay 3,176.
Bumaba na rin ang pagkamatay sa Covid-19 sa Quezon City, base sa Quezon City Covid-19 Medial Bulletin, ‘ as September 9, 2020 tatlong katao (3) ang bagong naitalang namatay.
Kamakailan hindi sila bumababa ng limang (5) naitatalang namamatay.
Sa validated cases ng QC Epidemiology and Surveillance Unit at District Health Offices ay may kabuuang bilang 13,927 kasong Covid-19 ang Lungsod.
Ang kanilang recoveries ay may kabuuang bilang na 10,482.
Ang Quezon City sa National Capital Region (NCR) ang pinakamataas ng kaso ng Covid-19 sa buong bansa.
Kaya dapat ang lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon ay hindi maging kampante na bumababa na ang namamatay sa kanilang mga residente dahil sa Covid-19.
Marami pa rin kasing residente dito ang makikita nating pakalat-kalat na tila walang pakialam sa panganib dala ng Covid-19.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
