BAGSAK sa ospital ang isang lalaki makaraang hatawin ng tubo sa ulo ng kanyang kapitbahay makaraang magtalo noong Biyernes ng gabi sa Malabon City.
Isinugod sa Valenzuela City Medical Center ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 1 ang biktimang si Jojit Castro, 45, ng #67 Orange Road, Brgy. Potrero ngunit pinayagang umuwi na sa kanilang bahay makaraang lapatan ng lunas.
Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na si Nicanor Mercado, 54, kapitbahay ng biktima, na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Ayon sa ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon Police chief, P/Col. Angela Rejano, alas-6:30 ng gabi nang lumabas ng kanilang compound ang biktima para bumili ng pagkain sa tindahan.
Tiyempong naroroon din ang suspek na kinompro nta ang biktima sa hindi nabatid na dahilan.
Hanggang sa nagtalo ang dalawa ngunit armado pala ang suspek ng tubo na pinalo nito sa ulo ng biktima.
Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek habang dinala sa ospital ang biktima. (FRANCIS SORIANO)
