2 ASO SINAGIP SA MALUPIT NA AMO

BINANGONAN, Rizal – Naging mabilis ang tugon ng lokal na pamahalaan sa isang viral video ng animal cruelty sa kanilang bayan, makaraang sagipin ang dalawang alagang asong na-hulicam habang pinagmamalupitan ng kanilang amo.

Dakip din ang suspek na napag-alamang may behavioral disorder.

Sa isang Facebook post ng Binangonan Action Center, isang non-government volunteer group na binubuo ng mga pribadong indibidwal, napag-alamang agad na dinala sa mga espesyalista ang mga alagang hayop. Gayunpaman, isa sa dalawang alagang aso ang namatay tatlong araw makaraang sila’y sagipin mula sa kanilang handler.

“Our hearts are broken as we let you know that after exhausting all treatment options we can possibly provide our beloved Martin (the white dog) died today. While we grieve his loss, we know that he is finally at peace and out of pain. This is an emotional time for us. He fought his battle to live until his last breath. All dogs go to heaven. No more pain and sufferings our dear Martin {isa sa dalawang alagang aso}.”

Ayon sa beterinaryong sumaklolo sa mga alagang pinagmalupitan, ligtas na sa panganib ang isa pang asong tinawag na Marky at patuloy na nagpapalakas.

“We commit to be staying with your best buddy Marky as he also is recovering from all the things that have happened. He will surely miss you as we will as well! You will always be remembered. We love you,” pahayag ng nasabing volunteer group.

Bagamat may psychological disorder ang hindi pinangalanang suspek, itinuloy pa rin ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng pulisya. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Animal Welfare Act of 1998 ang suspek.

Sa official statement ng pamahalaang bayan, tiniyak nitong pananagutin ang salarin.

“Ang nasabing tao sa video ay kasalukuyan na pong nasa institution at tututukan po ang kanyang kalagayan at kami ay umaasa na siya ay maging maayos na din sa lalong madaling panahon. Ang unstable condition ng isang tao ay magagawang maitama o kung di man ay mapabuti man lang sa prosesong medikal – ito po ay pag-uukulan ng panahon at hindi kayang isaayos ng simpleng check-up lang. Batid namin na ang pagkakataon na ito ay makailang ulit ng nangyari noon ngunit hindi naman po nangangahulugan na ito ay di nabigyan ng pansin ng pamilya, kamag-anak o mga kakilala.”

“Maraming salamat sa mga nagpakita ng simpatya, pag- aalala at payo para sa kanya. Ang bawat isa na nag-share ng video ay naging instrumento upang ang kalagayan ng ating kababayan ay mabigyan pansin. Salamat sa mga nagmalasakit at pinipiling intindihin ang sitwasyon imbes na mangutya at manisi ng iba pang mga tao. Ang lahat ay umaasa sa agarang ikakabuti ng kalagayan ng tao sa video at ito ay ating idadalangin.”

Kami po ay humihingi ng pasensya sa mga tao, grupo, samahan at institusyon na naapektuhan sa nasabing videos. Katulad nyo ay nakaramdam din kami ng pagkalungkot, galit, awa, panghihinayang at pag-asa na ang lahat ay magiging maayos din sa itinakdang panahon na gamutan na ating gagawin sa kanya. Ito po ay magiging bukas na kaisipan sa lahat na ang usaping kalusugan sa pangangatawan at pag-iisip ay dapat tutukan at bigyang pagpapahalaga.” (FERNAN ANGELES)

317

Related posts

Leave a Comment