MAPIPILITAN ang Commission on Elections (Comelec) na gamitin sa halalan sa 2022 ang mga refurbished vote-counting machines (VCMs) sa halip na bumili ng bago dahil sa pagtapyas sa kanilang budget para sa 2021.
Sa Senate budget hearing, lumitaw ma ibinaba ng Department of Budget and Management (DBM) ang proposed budget ng Comelec para sa susunod na taon sa P14.56 billion.
Sinabi ni Comelec Chairman Sheriff Abas na plano sana nilang bumili ng mga bagong VCMs para sa 2022 elections subalit dahil sa kakulangan ng pondo ay hindi nila ito maisasakatuparan.
“‘Yung plano po kasi namin is either we lease a new machine or magre-refurbish kami, aayusin namin ‘yung mga machine na ginamit namin noong 2019 and 2016,” saad ni Abas sa pagdinig.
“Ang budget namin for lease of new machines, ‘yung prinesent namin sa DBM. which is P30 billion. Unfortunately, hindi kami napagbigyan, so ang fallback namin doon is ire-refurbish na lang namin ‘yung 2019 and 2016 na ginamit namin na VCM. Gagawin naming parang bago ‘yung mga machines na ‘yun,” dagdag ng opisyal.
Tiniyak naman nito na nasa maayos na kondisyon ang mga VCM bagama’t inamin na mas makabubuti pa rin ang mga bagong makina.
“Mayroon na upgrading na gagamitin kapag bago ‘yung machines na ili-lease namin. Sa durability, talaga namang mas maganda ‘yung bago,” diin nito.
“Pero sa functionality [ng bago at ng refurbished], halos same lang, so okay din naman ‘yung refurbishment,” dagdag ng Comelec chairman.(DANG SAMSON GARCIA)
137 