Dapat sagutin ng DOLE-solon P13.7-B XMAS BONUS ‘DI KAYA NG MSMEs

IPINASASAGOT ng isang mambabatas sa gobyerno partikular na sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang Christmas bonus o 13th month pay ng mahigit 5.1 milyong empleyado ng Micro, Small, Medium Enterprises (MSMEs) na aabot sa P13.7 billion.

Sa kanyang House Resolution (HR) 1310, nais ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez na i-subsidize ng DOLE ang halagang ito na kailangan ng mga MSME para mabigyan ng bonus ang kanilang mga empleyado.

“The government, specifically the DOLE, should come in to implement a subsidy program and provide funds for qualified and distressed employers, particularly micro, small and medium-scale enterprises,” ayon sa mambabatas.

Ipinaliwanag ni Rodriguez na hindi kakayanin ng maliliit na negosyante ang magpa-bonus ngayong Christmas dahil sa matinding epekto ng pandemya sa kanilang negosyo.

Luging-lugi umano ang mga employer at gustuhin man ng mga ito na magbigay ng bonus ay hindi nila kakayanin kaya ang tanging pag-asa ay ang subsidy ng gobyerno.

“In fact, the pandemic has forced scores of businesses to close shop, some temporarily, others permanently,” ani Rodriguez kaya kung pipilitin ang mga ito na magbigay ng bonus ay lalong malulugmok ang mga ito.

Dahil dito, kailangang tulungan ang maliliit na negosyanteng ito at sagutin na lamang ng gobyerno ang bonus ng kanilang mga empleyado na magkakahalaga ng hanggang P13.7 billion.

Hindi sinabi ng kongresista kung saan kukunin ng DOLE ang nasabing pondo subalit hindi aniya dapat pabayaan ng estado ang mga empleyadong ito na labis na naapektuhan ng pandemya. (BERNARD TAGUINOD)

164

Related posts

Leave a Comment