Sayang ang tiwala ni Duterte MORENTE, HINAMONG LINISIN ANG KORAPSYON SA BI

HINAMON ni Senador Christopher Lawrence Bong Go ang hepe ng Bureau of Immigration (BI) na kumilos laban sa korapsyon.

Ang hamon ni Go kay Commissioner Jaime Morente ay nakaugnay sa imbestigasyon ng Senado hinggil sa garapalang korapsyon sa BI na binansagang “pastillas scam”.

Pastillas dahil nakabalot sa manipis na papel ang perang P5,000 hanggang P10,000 na ibinibigay ng mga Chinese na pasok sa kategoryang non-visa upon arrival (non-VUA) sa immigration officers nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagbibigay rin ng ‘padulas’ ang mga Intsik na pasok sa kategoryang VUA.

“I’m challenging you na linisin mo po ang hanay [mo], o ‘yung opisina [mo] dahil mataas po ang expectation ng mahal na Pangulo sa ‘yo, kaya ka po nilagay diyan,” banggit ni Go kay Morente.

Si Morente ay retiradong heneral ng Philippine National Police (PNP) at opisyal din ng PNP sa Davao Region bago itinalaga ni Duterte bilang hepe ng BI noong 2016.

Simula nang maupo sa BI ay hindi pa direktang nasangkot si Morente sa mga anomalya rito tulad ng pangingikil ng P50 milyon ng dalawang matataas na opisyal ng ahensya sa kampo ng Chinese casino magnate na si Jack Lam at ang iniimbestigahan ng Senado na pastillas scam.

Batay sa impormasyong nakarating sa Senado, umabot na sa P30 bilyon ang kinita ng utak ng iskam mula noong 2017, gamit ang eskemang VUA.

Umabot naman sa P10 bilyon ang naipadalang pera sa ilang opisyal ng BI mula sa komisyon nila sa eskemang VUA na ipinatupad ng BI sa NAIA mula noong 2017.

Batay pa rin sa impormasyon ng Senado, si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang nagpasimula ng VUA.

Ang itinuro ni Immigration Office II Jeffrey Dale Ignacio sa mga senador na posibleng utak ng pastillas scam ay si Marc Red Mariñas na mariin naman nitong itinanggi. (NELSON S. BADILLA)

185

Related posts

Leave a Comment