HUMINGI ng kaunti pang panahon ang Malakanyang sa 4,000 repatriated OFWs na natengga ngayon sa iba’t ibang hotel sa Metro Manila makaraang maantala ang paglabas ng kanilang COVID-19 test result dahil sa nangyaring gusot sa pagitan ng Philippine Red Cross at PhilHealth.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, sandaling panahon na lamang at makauuwi na aniya ang mga ito sa kani-kanilang mga mahal sa buhay.
Aminado si Sec. Roque na natagalan lamang ang kanilang pag-uwi dahil kinailangan kumuha ang pamahalaan ng hahalili sa mga tauhan ng PRC na pansamantalang itinigil ang testing dahil Sa napakalaking utang ng PhilHealth dito.
Sa ngayon, ayon kay Sec. Roque ay marami nang karelyebo o kahalili na nakuha ang pamahalaan kaya’t malapit na rin aniyang makuha ng mga natenggang OFW ang kanilang test result.
Sa kabilang dako, naniniwala si Sec. Roque na malapit na ring maplantsa ang gusot sa pagitan ng PRC at PhilHealth na kasalukuyang nahaharap sa matinding kontrobersya ng korapsyon. (CHRISTIAN DALE)
183 