MENTAL HEALTH SERVICES GAWING ACCESSIBLE SA MAHIHIRAP

HINIHIMOK natin ang gobyerno na gawing mas accessible sa mga mahihirap ang mga serbisyo sa kalusugang pangkaisipan sapagkat maraming Pilipino ang nakakaranas ng mga mental issues sa gitna ng pandemya.

Batay sa Special Initiative of the World Health Organization (WHO) — Philippines na ­isinagawa noong unang bahagi ng 2020, hindi bababa sa 3.6 milyong mga Pilipino ang ­nagdurusa sa isang uri ng ­karamdaman sa pag-iisip, neurological, at ­substance use disorder.

Marami sa atin ay hindi maayos ang kalagayan at ang nakakalungkot ay hindi lahat ay kayang bayaran ang mga ­serbisyong pangkalusugan sa pag-iisip. Ito ang dahilan kung bakit kailangang mamuhunan ang gobyerno para sa mental health ng ating mga kababayan.

Ikinalungkot din natin ang paglalaan lamang ng P615 ­milyon sa DOH – National Mental Health Program para sa 2021, at umaasa tayo na ­makakatanggap ang programa ng P1 ­bilyong ­karagdagang pondo na ­iminungkahi ng mga ­miyembro ng ­Kongreso sa national ­budget’s bicameral ­conference committee.

Pumasa na sa pangatlo at huling pagdinig ng ­Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Biyernes ang panukalang ­P4.5-trilyong pambansang ­budget para sa 2021. Umaasa po tayong madagdagan ang pondo para sa mental health.

Ang ating pagbangon mula sa pandemya ay nakasalalay sa mga taong nasa wastong pag-iisip at pangangatawan—kailangang malusog tayo sa pagharap sa hamon para sa ating muling pagbangon.

Ang karagdagang paglalaan ng pondo ay maaaring ­makatulong na tugunan ang mga sagabal na pumipigil sa mas malawak na pag-access sa mga serbisyo.

Bagamat ang teleconsultations ay nakatulong sa mga Pilipino na mapagtagumpayan ang mga hadlang sa face-to-face ­sessions, ang hindi maaasahang ­pagkakonekta sa internet, pati na rin ang kakulangan ng ­impormasyon kung saan hihingi ng tulong, ang nakakasagabal sa pagtugon sa kalusugan ng kaisipan.

Kailangang tutukan din ng bansa ang kakulangan ng mental health personnel, dahil mismong si DOH Sec. Francisco Duque III na ang nagsasabi na mayroon lamang isang mental health worker para sa bawat 100,000 mga Pilipino.

Ngunit hindi maipagkakaila na nananatiling mataas ang ­psychiatric consultations, sa isang sesyon ay umaabot sa libu-libong piso, nang hindi pa kasama ang gastusin sa gamot.

Kaya’t ang gobyerno, alinsunod sa Mental Health law, ay ­dapat gumawa ng mga agresibong hakbang upang i-subsidize ang mental health services upang ang mga mahihirap ay mahikayat na dumulog dito.

Hinihikayat din natin ang ­ating mga kababayan ay huwag mag-atubiling humingi ng tulong. Huwag po natin balewalain ang ating mental health. Humingi tayo ng tulong, kung hindi man sa mga health professional, kahit sa kaibigan o kapamilya na ­laging handang damayan tayo.

140

Related posts

Leave a Comment