HINDI na lang bantay sa bahay, kungdi bantay na rin laban sa sakit na COVID-19 ang mga aso.
Ginagamit ng Lokal na Pamahalaan ng Antipolo City ang mga aso na dumaan sa buwan-buwang pagsasanay, para maka-amoy ng mga taong may COVID-19.
Makatutulong ng mga nurse at doktor ang mga aso o K9 units dahil trained silang malaman kung positibo ang isang tao sa COVID-19 sa pamamagitan ng kanilang pang-amoy.
Target ng LGU na bago pa man sumalang sa mismong antibody o RT-PCR swab test ang nagtutungo sa mega testing facility, aamuyin muna ng mga aso ang mga suot nilang face mask o t-shirt.
Ayon kay Mayora Andeng Ynares, bukod sa magkakaroon ng first line of defense ang ating medical technicians dahil dadaan muna sa screening ang magpapa-test, gamit ang K9 units, mas mabilis din ito kumpara sa RT-PCR (swab) test na inaabot ng isang araw bago lumabas ang resulta.
“Agresibo ang pamahalaang siyudad ng Antipolo na ma-test ang mga kababayan namin. Kamakailan, bukod sa vendors sa wet markets o palengke, pati school teachers mula sa pribado at publiko ay tine-test namin,” ani Ynares.
Dumaan sa apat na buwang training ang mga K9 Belgian Malinois na kabilang sa pamilya ng mga bihasa sa explosive detection.
Sinabi ni K9 expert na si Gerry Tabares, ginagamit na ang K9 units sa bansang America, pati mga bansa sa Europe at Middle East, para sa COVID-19 detection.
“Yung K9, ginagamit na dati pa to detect other diseases also such as cancer, malaria, migraine, at madami pang iba… at ngayon nga ay pati na din COVID. Sabi namin, kung kaya ng ibang bansa, kaya rin natin dito,” ani Tabares, presidente ng Universal K9 Training & Services.
Malaking tulong din aniya ang mga aso sa mga medical na pamamaraan. (CATHERINE CUETO)
386
