HINIMOK ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang iba pang mga mambabatas na huwag nang pakialaman pa ang pondo para sa paglaban ng gobyerno sa mga rebelde.
Partikular na tinukoy ni Sotto ang P19 bilyon na pondo para sa operasyon ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ipinapanukala ng iba na ilipat na lamang sa calamity fund.
“Hindi papayag ang DBM (Department of Budget and Management) na galawin pa ang budget ng Presidente. Payag kami dagdagan ang calamity fund pero hindi dun kukunin. Wag na pag-initan ang budget sa anti-insurgency dahil mabigat yun,” diin ni Sotto.
Ipinaliwanag ni Sotto na sa paglilinis ng isang lugar laban sa mga insurgent, kailangan ng pondo para maipagpatuloy ang maayos na pamumuhay.
“Ang isa sa hindi napag-uusapan kapag nilinis mo ang isang area, kailangan lagyan mo ng livelihood, pagkakakitaan kundi babalik at babalik sila,” diin ni Sotto.
Sa ngayon anya para lubos na magtagumpay ang anti-insurgency campaign ng pamahalaan dapat maisulong ang rural development.
Samantala, walang nakikitang rason si Sotto upang warningan pa ang mga artista sa paglahok sa mga aktibidad ng iba’t ibang grupo.
“Alam na alam nila yun, public knowledge sa showbiz sino makakaliwa. Alam na nila yun. Siguro mga bagito lang ‘yun lang siguro ang dapat pagsabihan,” diin pa ni Sotto. (DANG SAMSON-GARCIA)
232
