QUEZON – Patay ang isang 22-anyos na binata at 5-anyos nitong pamangking babae makaraang lumubog ang sinakyan nilang bangka sa baha sa bayan ng Lopez sa lalawigang ito, noong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang Lopez PDRRMO ang mga biktimang sina Allan Florido at Ayiesha Rose, parehong residente ng Barangay Tan-ag Ibaba.
Ayon sa report, huling nakitang buhay ang dalawa dakong alas-7:00 ng umaga noong Biyernes habang sakay ng isang maliit na bangka at tumatawid sa isang binahang latian dahil sa bagyong Ulysses.
Galing umano sa evacuation center ang dalawa at pauwi na sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.
Ngunit dahil sa malakas na hampas ng hangin, tumaob at lumubog ang bangka na ikinalunod ng dalawa.
Dakong alas-10:00 ng umaga nang matagpuan ang dalawang biktima na kapwa na walang buhay.
Samantala, nasawi rin ang isang 62-anyos na magsasaka na si Gerano Rodil Peña nang nalunod sa ilog sa Barangay San Roque, sa bayan ng Catanauan noong Miyekoles ng umaga.
Ayon sa asawa, kahit kasagsagan ng pag-ulan, nagtungo sa kanilang bukid ang biktima upang ayusin at talian ang kanilang kubo para paghandaan ang paparating na bagyong Ulysses.
Ngunit hindi na ito nakabalik sa kanilang bahay at nakita na lamang kinabukasan ng umaga na nakalutang sa ilog at wala nang buhay.
Bataya sa tala ng Quezon PDRRMC, lima na ang naiulat na nasawi sa Quezon dahil sa pananalasa ni Ulysses. (NILOU DEL CARMEN)
219 