PAGSAPI NG ANAK SA NPA INAMIN NI CULLAMAT

INAMIN ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemina Cullamat na anak niya si Jevilyn, isa sa mga napatay ng militar sa isang engkuwentro sa Marihatag, Surigao del Sur.

“Walang kapantay ang aking dalamhati sa pagpatay ng militar sa aking anak na si Jevilyn. Dumagdag ang dugo ng aking anak sa libong kalumaran na nagpatak ng dugo sa lupa para sa kalayaan at laban sa historikong pang-aapi sa aming hanay,” ani Cullamat.

Gayunpaman, sariling desisyon umano ni Jevilyn ang pagsapi sa New People’s Army (NPA) kung saan nagsisilbi itong medic ng armadong grupo dahil sa pang-aabuso umano ng militar sa mga katutubo.

“Di ako nagtataka kung sumapi sa NPA ang aking anak dahil sa patuloy na nararanasan naming mga katutubo sa mga pagmamalupit at pang-aabuso ng AFP at ng kanilang mga paramilitary groups. Naranasan mismo ito ng aming pamilya,” ani Cullamat.

Nasa wastong gulang na aniya ito at kaya niyang magdesisyon para sarili at naniniwala ang mambabatas na makatuwiran ang ipinaglalaban ng kanyang anak pero sa ibang porma niya ito idinaan para mapigilan ang pambubusabos umano sa kanilang mga katutubo.

Nauna nang itinanggi ni Cullamat ang alegasyon ng militar partikular na si Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.. na kabilang ito sa matataas na lider ng NPA.

“Alam ko na gagamitin ng militar ang kanilang pagpatay sa aking anak para lalo pang maglubid ng kasinungalingan sa Bayan Muna at Makabayan bloc pero naninindigan kami sa katotohanan at hindi malulutas ng kanilang mga boladas at kasinungalingan ang ugat ng mga problema ng bansa,” dagdag pa ng katutubong mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

138

Related posts

Leave a Comment