PUNA ni JOEL O. AMONGO
ISA na namang pahirap sa libo-libong may-ari ng second hand na sasakyan ang inilabas na Administrative Order o AO-VDM-2024-046 ng Land Transportation Office (LTO) noong 2024.
Sa pagsusuri ng PUNA, ang nasabing Admin Order ay nilagdaan ni LTO chief, Atty. Vigor Mendoza noong Agosto 30, 2024.
Base sa kautusan, binibigyan lamang ang mga motorista ng 20 araw sa loob ng petsa ng pagbebenta upang iproseso ang kanilang sasakyan/motorsiklo sa paglilipat ng pagmamay-ari o mahaharap sa multang hanggang P40,000.
Nakapaloob din dito na kailangan ang nagbenta ng sasakyan ay may ‘Official Receipt at Certificate of Registration (OR/CR), Deed of Sale, at ID ng nagbenta ng sasakyan at bumili ng sasakyan.’
May limang araw ang nagbenta (seller) para kumpletuhin ang requirements pagkatapos ng bentahan, habang ang bumili (buyer) ay binigyan ng 20 working days para mailipat sa kanyang pangalan ang sasakyan.
Kapag hindi susunod sa kautusan ay may tig-P20K multa ang nagbenta at bumili ng sasakyan.
Sinimulang ipatupad ang LTO Admin Order noong pang Setyembre 16, 2024.
Ayon pa sa LTO, ang AO ay retroactive na ibig sabihin ay sakop nito ang mga nagbenta at bumili ng second hand na sasakyan bago pa man inilabas ang kautusan.
Sinabi rin ng LTO na ang kautusan ay alinsunod sa Republic Act No. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act.
Ayon sa mga nakapanayam ng PUNA, ang LTO Admin Order na ito ay isa na namang pahirap sa mga nakabili at nagbenta ng second hand na sasakyan.
“Papaano kung ang bumili at nagbenta ng second hand na sasakyan ay hindi na makita, namatay na o kaya nag-abroad na ito,” tanong niya.
Ayon pa sa ilang nakapanayam ng PUNA, pahirap sa mga nagbenta at bumili ng sasakyan ang LTO AO na ito.
“Sobra-sobrang pahirap ito ng LTO sa mga tao, mahal na ang multa, maaari pa itong pagkakitaan ng ilang tiwaling mga opisyal ng gobyerno,” banggit naman ng isang nagmamay-ari ng second hand na sasakyan.
Sinabi naman ng iba na imbes na pagtuunan ito ng pansin ng LTO, dapat unahin ang problema sa plaka ng mga sasakyan na hanggang ngayon ay hindi naire-release, at puro pagkakaperahan at perwisyo sa mga nagmamay-ari ng mga sasakyan sa bansa ang ginagawa nila.
Isa pa sa inirereklamo ng mga tao ay ang mas mahal na bayad sa insurance sa mga kumpanya na may mga pwesto malapit sa LTO Offices sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Duda tuloy nila ay may kita ang mga opisyal ng LTO sa bawat kukuha ng insurance sa mga pwesto na katabi lamang ng kanilang opisina.
Na-PUNA rin natin na ‘di hamak na mas mababa ang presyo ng vehicle insurance na nakukuha sa mga pawnshop na malalayo sa mga tanggapan ng LTO.
Sinikap nating kunin ang reaksyon ni LTO chief, Atty. Mendoza sa isyung ito, subalit hindi natin siya makontak.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
