PAGPASLANG SA ILANG MGA ABUGADO MAGIGING SANHI NG KAWALANG TIWALA SA SISTEMA NG HUSTISYA

MARIIN nating kinokondena ang sunod-sunod na patayan kamakailan na kinasasangkutan ng mga abugado, hukom, at iba pang mga kawani ng propesyon ng batas na nangyari sa ­magkakaibang lugar ng ating bansa.

Ang abogadong si Joey Luis Wee ay binaril sa kasikatan ng araw habang naglalakad papunta sa kanyang tanggapan sa Cebu noong Lunes, Nobyembre 23. Siya ang ika-53 miyembro ng law profession na pinatay mula pa noong 2016.

Kinokondena ko hanggang sa pinakasukdulang antas itong pinakabago sa kawing-kawing na serye ng pagpatay sa mga ­miyembro ng law profession.

Tama na po — ito ang pangatlong sunod na linggo na may isang manggagawa para sa hustisya ang napapaslang.

Kung walang mapagpasya at mapangahas na interbensyon, nangangamba ako na ang tiwala ng ating mamamayan sa sistema ng hustisya ay maaaring ­manghina dahil sa mga patayang ganito.

Ang abogado na si Eric Jay Magcamit ay pinagbabaril noong Nobyembre 17 habang patungo sa isang hearing sa Quezon, Palawan. Samantala, si Judge Ma. Theresa Abadilla naman ay binaril ng kanyang clerk of court sa loob ng kanyang sariling chambers sa Maynila noong Nobyembre 11.

Hinimok natin ang ­gobyerno na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maiharap ang mga responsable sa pagpatay sa husgado.

Ang gobyerno ay dapat magpamalas ng isang bukas na paninindigan laban sa mga extrajudicial killings na ito, at ipakita na seryoso ito sa pagharap sa ganitong isyu.

Kung hindi man, ang pananahimik nito ay ituturing bilang isang lihim na kasunduan na magagawa ng mga salarin ang anumang ayon sa gusto nila.

Nakakatakot na kung hindi ito maisaayos, ang patuloy na pagpatay sa mga miyembro ng law profession ay makakasira sa tiwala ng mga tao sa sistema ng hustisya.

Ang pagpatay sa mga abugado, tagausig, at hukom ay isang marahas na gawain na nagdudulot ng takot at kawalan ng katiyakan sa ating mga mamamayan.

Ang pagtataguyod ng batas at hustisya sa ilalim ng mapayapang kondisyon ay dapat na ginagarantiyahan ng gobyerno.

Kapag wala ang mga garantiyang ito, mag-aalangan ang mga taumbayan na ipaglaban ang kanilang mga karapatan sa korte.

145

Related posts

Leave a Comment