NAKIISA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa ika-157 anibersaryo ng kapanganakan ni Gat. Andres Bonifacio.
Sa maikling mensahe ng pangulo, sinabi nito na dinadakila ng sambayanang Pilipino ang pamana ni Bonifacio na naging mitsa ng rebolusyon na gumising sa kamalayan at nagsilbi bilang pundasyon ng Republika.
“If love of country which arouse our ancestors to fight for our freedom and secure our rightful place in the community of nations is very vital; now, more than ever, as we overcome the challenges of COVID-19 pandemic, as we remember his life and deeds, may the values he fought for inspire us all to become worthy heirs of a just, progressive and inclusive society that he envisioned more than a century ago,” ayon sa pangulo.
Dahil sa sinimulang kakaibang katapangan at determinasyon ni Bonifacio, hinikayat ng pangulo ang lahat na malampasan ang lahat ng hamon at siguraduhin ang mas maayos at maliwanag na kinabukasan ng bawat Pilipino.
“Mabuhay si Gat Andres Bonifacio at ang ating Inang Bayan!” ang pagtatapos ng mensahe ng pangulo.
Kaugnay nito, maging ang ang Presidential Communications Operation Office (PCOO) ay nakiisa sa paggunita sa araw ni Gat Andres Bonifacio.
Sa mensahe ni PCOO Secretary Martin Andanar, sinabi nito na sana’y magsilbing inspirasyon sa lahat ng mga Pilipino ang katapangang ipinakita ni Bonifacio na nakapukaw sa mga ninuno para mas lalong naisin ang inasam-asam na kalayaan.
Aniya, sa gitna ng mga hamong kinakaharap gaya ng kahirapan, insurgency, terorismo, korapsiyon, ilegal na droga at pandemiya ay makabubuting humugot ng lakas sa katapangang ipinamalas ng mga bayani ng bansa gaya ni Andres Bonifaco.
Hinimok naman ni Sec. Andanar ang lahat na maging makabagong bayani at tularan ang pagiging makabayan ni Bonifacio habang tinatahak ang paglaban sa iba’t ibang kinakaharap na problema ng bansa.
Giit ni Sec. Andanar, ang ganitong pagnanasa sana ay ang magdadala sa bansa tungo sa hustisya, kasaganaan at magbibigay ng kumportableng pamumuhay para sa mga Pilipino. (CHRISTIAN DALE)
