KAHIT walang ‘penetration’ basta’t ginawan ng kalaswaan ang mga kababaihan, lalo na ang mga menor de edad, ay maitituring na bilang isang rape case ito sa ilalim ng bagong batas na pinagtibay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Base sa House Bill (HB) No. 7836 kung saan itinaas sa 16-anyos mula sa 12-anyos ang statutory rape, hindi simpleng acts of lasciviousness ang isasampang kaso sa suspek na gagawa ng kalaswaan sa mga kababaihan, kundi rape case.
Pinagtibay ang nasabing panukala sa botong 207 ang pabor at tatlo ang kumontra at umaasa ang mga may akda sa nasabing panukala na papaspasan na rin ng Senado ang pagpapasa sa kanilang bersyon upang maging batas na ito.
Sa ilalim ng nasabing panukala, inamyendahan ang Section 226-A ng Article No. 3815 ng Republic Act (RA) 8353 o The Anti-Rape Law of 1997 at pinalawak ang kahulugan ng rape o panggagahasa.
Isa sa mga idinagdag na probisyon sa nasabing batas at maaaring masampahang ng kasong rape ay “placing or causing the placement of a person’s penis between, or rubbing or causing the rubbing thereon on, the breast of another person..,”.
Lalong lalakas ang kasong rape kapag ginawa ito ng isang suspek sa isang babae nang may pananakot, panlilinlang at ginamit ang kanyang awtoridad.
Taliwas ito sa kasalukuyang batas na kailangang magkaroon ng ‘penetration’ para masampahan ng kasong rape ang isang suspek.
Hindi na rin papayagang maibasura ang kaso kapag umatras ang biktima dahil sa pananakot o kaya inalok ito ng kasal ng gumahasa sa kanya dahil ang estado na ang magpapatuloy sa kaso.
Sinuman ang mapatutunayang guilty sa statutory rape ay mahaharap sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo lalo na kung ang suspek ay may awtoridad.
Maaari na ring magsampa ng kasong rape ang mga batang lalaki na nakaranas ng pang-aabusong sekswal matapos isama ang mga ito sa nasabing batas dahil marami na umanong mga katulad nila ang nabiktima. (BERNARD TAGUINOD)
