ONLINE SABONG BUBUWISAN NA

PAPATAWAN na ng buwis ang online sabong at iba pang uri ng sugal na idinadaan sa electronic ang pagtaya upang makalikom ng karagdagang pondo ang pamahalaan.

Sa botong 215 pabor, isa ang kumontra at walang nag-abstain, tuluyang pinagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 8065 na inakda nina Albay Rep. Joey Salceda at AAMBIS-OWWA Party-list Rep. Sharon Garin.

Base sa nasabing panukala, 5 porsyento ang offsite betting activities ng mga sabong at derbies at iba pang uri ng sugal ang pinayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor).

“The operations are already legal, by virtue of local ordinances, but the electronic aspect of it is a legal gray area,” ani Salceda dahil sa ngayon ay pwede nang hindi personal na pumunta sa sabungan at derby ang mga mananaya dahil maaari na nila itong mapanood sa pamamagitan ng internet.

Dahil dito, nauso na rin ang online betting ngunit hindi umano ito pinakikinabangan ng gobyerno dahil hindi ito kasama sa binubuwisan kaya ihinain ang nasabing panukala.

“Nandyan na ‘yan. Legal na sa maraming bayan. Pakinabangan na lang natin dahil kailangan ng gobyerno ng pondo para labanan ang COVID-19. At lagyan ng safeguards, para kayang bantayan ng gobyerno,” ani Salceda.

Hindi sinabi ng mambabatas kung magkano ang malilikom na buwis sa pagpapataw ng 5% sa gross revenue ng offsite betting activities ngunit dahil usong-uso na ang offsite betting tiyak na malaki umano ang maidagdag nito sa pondo ng pamahalaan.

Bukod dito, kailangang buwisan umano ang offsite betting activities na ito sa sabong at derbies upang magkaroon na rin ng pakinabang ang gobyerno sa sugal na ito.

“Otherwise, without a national government share and without national government regulations, it’s a free-for-all at the local level. That’s never good when you’re talking about gaming, an activity with valid public concerns,” ayon pa sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

227

Related posts

Leave a Comment