24/7 sa Quezon City MINORS BAWAL PA SA PUBLIC PLACES

IPINAGBABAWAL pa sa mga pampublikong lugar sa Quezon City ang menor de edad, nag-iisa man o may kasamang nakatatandang nagbabantay sa kanya, nang walang dahilan, para protektahan sila mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ang pagbabawal sa mga menor de edad sa pampublikong lugar ay ipatutupad matapos aprubahan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-2985, S-2020, o ang “Quezon City Special Protection of Children against COVID-19,” na direktang tumutukoy sa below 18 years old, dapat na manatili sa kanilang mga bahay sa tinaguriang “Children Protection Hours” o 24 oras sa isang araw at pitong araw sa loob ng isang inggo.

“Ang Ordinansang ito ay batay sa rekomendasyon ng mga dalubhasa sa Philippine Pediatric Society na kailangang manatili ang mga menor de edad sa mga tahanan dahil malaki ang tsansa na sila’y mahawa,” ani Mayor Belmonte.

“Ang kautusang ito ay para na rin sa kapakanan ng ating mga kabataan upang hindi na malagay sa panganib ang kanilang buhay,” dagdag pa niya.

Sa ilalim ng ordinansa na ipinakilala ni Majority Floor Leader Franz Pumaren at nina Councilors Donato Matias, Eric Medina, Victor Ferrer at Shaira Liban, ang mga menor de edad ay hindi pinapayagang magpakalat-kalat kung saan-saan at sa lahat ng mga pampublikong lugar kahit na may kasamang nakatatanda.

Kasama sa mga tinutukoy na pampublikong lugar ay ang mga kalsada, highway, sidewalks, parking lots, vacant lots, at common areas sa loob ng simbahan, apartment, buildings, office buildings, hospitals, schools, malls o shopping centers, commercial establishments at lugar ng entertainment at maging sa mga sinehan o kaparehong lugar o establisiyemento. (JOEL O. AMONGO)

200

Related posts

Leave a Comment