Lockdown sa Navotas, fake news MICROPHONE BAWAL HIRAMIN SA VALENZUELA

ILANG araw bago sumapit ang Pasko, nagpaalala ang pamahalaang lungsod ng Valenzuela na iwasan ang pasahan at paghihiraman ng mikropono sa mga pagtitipon.

Bukod dito, pinaiiwasan din ang paghihiraman ng iba pang personal na kagamitan bilang bahagi ng patuloy na pag-iingat sa COVID-19.

Nag-abiso rin ang pamahalaang lungsod na responsibilidad ng mga magulang o guardian na pagbawalan ang mga Valenzuelanong 17-anyos pababa na lumabas sa kanilang tahanan maliban na lamang kung may emergency.

Alinsunod sa Ordinance No. 745 Series of 2020 at bilang bahagi ng patuloy na pag-iingat sa COVID-19, maaari ring lumabas ang mga menor de edad kung may hindi inaasahang pangyayari o kalamidad.

Pwede ring lumabas ang wala pang 18-anyos kung nakatira kasama ng mga magulang o guardian na may edad na 60-anyos pataas o may kasamang may health risk, buntis o person with disability at walang ibang maaasahang bumili ng mga pangunahing pangangailangan.

Samantala, nilinaw ng pamahalaang lungsod na “fake news” ang kumalat na impormasyong may lockdown sa buong Navotas.

“Wag po natin itong pangarapin dahil madali lang po matutupad ‘yan kung patuloy nating babalewalain ang mga safety measures. Kapag may lockdown, pare-pareho lang po tayong maghihirap kaya hanggang maaari, iwasan po natin ito. Manatiling maingat dahil buhay ang nakasalalay. Hindi man po tayo ang direktang magkasakit, maaari namang ang ating mga mahal sa buhay ang maapektuhan ng virus,” ani Mayor Tiangco.

Kaugnay nito, dalawa sa anim na bagong nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas ang namatay noong Disyembre 20 habang tatlo naman ang gumaling.

Hanggang 5 pm noong Disyembre 20 ay umabot na sa 5,411 ang mga tinamaan ng COVID-19 sa Navotas.  Sa bilang na ito, 5,181 na ang gumaling, 168 ang namatay at 62 ang active cases.

Nabatid naman sa Malabon City Health Department na walang nadagdag na confirmed case sa lungsod noong Disyembre 20 kaya’t nananatiling 6,026 ang positive cases, at 74 dito ang active cases.

Habang tatlong pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangay Bayan-bayanan (1), Niugan (1) at Tinajeros (1).

Sa kabuuan ay 5,726 ang recovered patients sa Malabon habang 226 pa rin ang pandemic death toll. (ALAIN AJERO)

129

Related posts

Leave a Comment