Pinulong ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang mga kinatawan ng Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) at Converge ICT Solutions Inc. para bigyan ng “huling babala” upang tugunan ang hinaing ng kanyang mga nasasakupan.
Ito ay matapos ulanin ng reklamo ang alkalde ukol sa koneksyon ng internet mula sa mga Valenzuelano nitong nagdaang kapaskuhan.
Bago ito ay sa social media ibinuhos ng alkalde ang ‘pag-usok ng kanyang bumbunan’ dahil lumalabas na ginagawa siyang utusan ng PLDT.
“PLDT Cares I’m turning into your errands boy…people are lodging their complaints and concerns on my twitter account bec you guys refuse to act on your clients concerns. I don’t work for you!!! Your boss doesn’t pay for my salary!!! Sige lang, push me some more. Let’s see what happens. Sobrang daming complaints vs PLDT and Converge,” sabi sa post ng alkalde sa social media.
Magugunitang noong unang bahagi ng Disyembre ay binantaan at tinuluyang suspendihin ni Gatchalian ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation.
Nagkaroon ng toll holiday sa lungsod na nagwakas lamang noong Disyembre 16 ngunit patuloy ang “barriers up” sa mga toll plaza sa lungsod mula 5 am hanggang 10 pm. (ALAIN AJERO)
