PAGNANAKAW SA CREDIT CARD NI SEN. GATCHALIAN, SCAMMING AT DI HACKING

KINUMPIRMA ni Senador Win Gacthalian na batay sa report sa kanya ng bangko, scamming at hindi hacking ang nangyari sa kanyang credit card.

“Akala ko nung una hacker, ibig sabihin pumasok sa computer, hindi pala hacker kundi scammer. Nagpanggap na siya si Senator Gatchalian, nagpanggap na magpapakain sa Senado, napalitan nya ang cellphone number ko kaya hindi ko na nakukuha OTP,” kwento ni Gatchalian.

Nilinaw rin ng senador na hindi pagkain kundi alcoholic drinks ang inorder ng suspek gamit ang kanyang card na umabot sa P1 milyon ang halaga.

“Hindi pala mga matatakaw ito, kundi manginginom dahil P1 million worth ng alcohol at suspetsa ko madali kasing ibenta. Kaya ang kanilang inorder ay alcohol na iba’t ibang uri,” diin ni Gatchalian.

Maghahain naman ang senador ng resolution upang imbestigahan sa Senado ang insidente at makapaglatag ng mga panukala para paigtingin pa ang seguridad na ipinatutupad ng mga bangko para sa online transactions.

“Talamak talaga ang ganitong gawain at iba’t ibang halaga. Ito siguro pinakamalaki kasi P1M, talamak at ibig sabihin mas magaling ang scammer at hacker sa ganito, mas nalulusutan nila security measures ng bangko. Dapat i-level up nila security protocol, para di sila malusutan,” giit ng mambabatas. (DANG SAMSON-GARCIA)

117

Related posts

Leave a Comment