HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang pamahalaan na tugunan ang pangamba ng taumbayan sa bakuna, lalo na’t mahalaga ang magiging papel nito sa pagwawakas ng pandemya at sa ligtas na pagbabalik-eskwela ngayong taon.
Reaksyon ito ng mambabatas base sa lumabas sa ilang survey na malaking bahagi ng publiko ang nangangambang magpabakuna laban sa COVID-19.
Para sa senador, ang kawalan ng tiwala ng publiko sa bakuna ay maituturing na resulta ng “Dengvaxia damage,” kaya patuloy ang duda at takot ng publiko sa pagbabakuna.
Nagbabala si Gatchalian na kung kalahati ng bansa ang hindi magpapabakuna, magpapatuloy lamang ang pagkalat ng virus. Para sa sektor ng edukasyon, patuloy na maaantala ang pagbabalik-eskwela ng mahigit dalawampu’t dalawang (22) milyong mag-aaral sa pampublikong mga paaralan at muling pagkakaroon ng face-to-face classes. Sa Metro Manila pa lamang na maituturing na isang virus hotspot, may mahigit dalawang (2) milyong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
Sa isang survey ng Pulse Asia sa buong bansa, lumalabas na halos kalahati (47 porsyento) ng dalawang libo at apat na raang (2,400) respondents ang hindi magpapabakuna.
Tatlumpu’t dalawang (32) porsyento lamang ang handang magpabakuna at dalawampu’t isang (21) porsyento ang hindi pa nakapagpapasya o undecided.
Lumabas naman sa isang survey ng University of the Philippines-OCTA Research Group na dalawampu’t limang (25) porsyento lamang ng mga taga Metro Manila ang handang magpabakuna kontra COVID-19.
Dalawampu’t walong (28) porsyento and hindi magpapabakuna at apatnapu’t pitong (47) porsyento naman ang hindi pa nakapagpapasya o undecided.
Anim na raan (600) ang respondents sa naturang survey.
“Magiging malaki ang problema natin kung walang magpapabakuna laban sa covid. Hindi tayo makababalik sa normal na pamumuhay,” ani Gatchalian.
“Dapat nating tugunan ang pangamba ng ating mamamayan pagdating sa pagpapabakuna upang matuldukan na natin ang krisis na ito,” dagdag na pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education Arts and Culture.
Para kay Gatchalian, dapat buwagin ng pamahalaan ang mga maling paniniwala ukol sa mga bakuna, kabilang dito ang paglilinaw sa maaaring maging mga epekto ng mga bakuna. (ESTONG REYES)
