(BERNARD TAGUINOD)
MULA sa pagiging House of the People ay naging ‘House of Politics’ ang mababang kapulungan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Jay Velasco.
Ito ang pahayag ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na naging dahilan para mabuo ang BTS o “Back To Service sa Kongreso” na pormal na inilunsad kahapon, Huwebes.
“Kasi medyo napunta sa pulitika, napunta sa kaunting katamaran, napunta sa panay political issues, naging trapo na ulit, rather than House of the People naging House of Politics,” ani Cayetano.
Kabilang sa mga miyembro ng BTS sa Kongreso sina Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, Bulacan Rep. Jonathan Sy-Alvarado, Batangas Rep. Raneo Abu, Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, Capiz Rep. Fred Castro at Laguna Rep. Dan Fernandez.
Ang mga nabanggit ay pawang tinanggalan ng posisyon sa Kamara nang maging Speaker si Velasco dahil sa koneksyon umano nila kay Cayetano.
“Ang BTS po ay simple lang na balik sa tamang serbisyo. It was a call, not a name. We were calling Congress na dating HOR – House of Reps ang daming jokes – naging hope, House of the People. Ngayon naging House of Politics eh,” ani Cayetano sa press conference kahapon ng nasabing grupo.
Napakalaking problema aniya ng bansa lalo na sa COVID-19 pandemic subalit imbes na ito ang pagtuunan ng pansin ng Kongreso ay inaatupag ng mga ito ang Charter Change (Cha-Cha) at pag-abolish sa party-list.
Ayon naman kay Villafuerte, walang ibang intensyon ang kanilang grupo kundi makatulong dahil maraming bagay ang nakaliligtaan ng liderato ni Velasco dahil sa pulitika tulad ang pagganap ng mga ito bilang oversight sa mga batas na ipinasa ng Kamara noong panahon ni Cayetano na kinabibilangan ng Bayanihan 1 at 2.
MALAKING PUWERSA
– DEFENSOR
Sinabi naman ni Defensor na hindi lang pito ang miyembro ng BTS dahil marami sa kanilang mga kasamahan ang nakatakdang sumama para ipagpatuloy ang serbisyo sa publiko na pinigilan umano ni Velasco.
“We are a bigger group. We have sympathizers and supporters that are part of the House leadership,” ani Defensor dahil napansin umano ng mga ito na hindi nagsisilbi ang bagong liderato sa taumbayan matapos pigilan ni Velasco ang mga imbestigasyon.
“Ang ibig ko pong sabihin, kaya kami nandito kami yung nagtatrabaho dati at kami yung patuloy na magtatrabaho… para sa pangangailangan ng bayan. Hindi kami sasabay sa kumpas ng leadership, gagawa kami ng sariling kumpas,” ayon pa kay Defensor.
