PATULOY na isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya sa pamamagitan ng pagpapataas ng lokal na produksyon ng natural gas at pagbabawas ng pagdepende sa imported na suplay.
Ininspeksyon ng Pangulo noong Huwebes, Hulyo 23, ang Malampaya Phase 4 Project bilang bahagi ng pagpapabilis sa development ng Malampaya gas field.
Ang Malampaya gas field ang tanging pinagkukunan ng natural gas sa bansa at inaasahang mauubos ang kasalukuyang reserba nito pagsapit ng 2027.
Batay sa datos ng pamahalaan, 52 porsiyento o 35.18 milyong metric tons of oil equivalent (MTOE) ng kabuuang pangunahing suplay ng enerhiya ng bansa noong 2025 ay nagmula sa imported na enerhiya, habang 48 porsiyento ay mula sa lokal na pinagkukunan.
Sa suplay naman ng natural gas, 55 porsiyento ang nagmumula sa imported liquefied natural gas (LNG) at 45 porsiyento sa Malampaya gas field.
Sa ilalim ng Malampaya Phase 4 Project, tatlong bagong balon ng natural gas ang binubuo—Malampaya East-1 (MAE-1), Camago-3, at Bagong Pag-asa-1.
Matagumpay nang naisagawa ang pagbabarena at pagsusuri sa MAE-1 at Camago-3 noong Enero at Marso 2026, na may pinagsamang paunang tinatayang reserbang humigit-kumulang 222 bilyong cubic feet ng natural gas.
Ayon sa Department of Energy (DOE), natapos noong Hunyo 2026 ang pipeline connection na nag-uugnay sa MAE-1 at Camago-3 sa kasalukuyang Malampaya subsea production system.
Target ng pamahalaan na maihatid ang bagong suplay ng natural gas mula sa dalawang balon sa ikaapat na quarter ng 2026 habang nagpapatuloy ang paghahanda sa pagbabarena ng Bagong Pag-asa-1.
Sinabi rin ng DOE na ang bagong natuklasang reserba ay katumbas ng humigit-kumulang 31.46 bilyong kilowatt-hours ng kuryente, sapat upang masuplayan ang tinatayang 13.11 milyong kabahayan sa loob ng isang taon.
Inaasahan ding mapapalawig ng matagumpay na pagbabarena sa MAE-1 at Camago-3 ang operasyon ng Malampaya gas field mula 2027 hanggang 2034.
Nauna nang inatasan ni Pangulong Marcos ang DOE na magsagawa ng karagdagang eksplorasyon ng natural gas sa iba pang bahagi ng bansa, magbigay ng mga insentibo sa mga mamumuhunan, at repasuhin ang umiiral na mga patakaran at service contracts kaugnay ng upstream gas production, partikular sa mga lugar na malapit sa Malampaya.
Upang mapabilis ang lokal na eksplorasyon at produksyon ng enerhiya, nag-award na rin ang pamahalaan ng 14 na bagong petroleum service contracts para sa mga potensyal na lugar sa Cagayan, Pangasinan, Zambales, offshore Palawan, Cebu, Leyte, at Sulu Sea mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2026.
Pinalakas din ng administrasyon ang legal at policy framework para sa pagpapaunlad ng natural gas sa pamamagitan ng Republic Act No. 12120 at ng implementing rules and regulations nito, na nagbibigay-prayoridad sa lokal na natural gas kaysa sa imported na fuel.
(CHRISTIAN DALE)
68 