Ikinasa ng PM laban kina Velasco, Garbin ‘PALENGKE CHALLENGE’ SA CHA-CHA

HINDI tatantanan ng mga organisadong manggagawa ang mga kongresistang nagsusulong ng pag-amiyenda sa Konstitusyong 1987 dahil labis na naniniwala ang pinakamalaking bilang ng “marginalized sector” ng lipunang Pilipino na hindi ito tamang solusyon sa kanilang napakatagal nang suliranin sa pagtatrabaho.

Kahapon, ikinasa ng Partido Manggagawa (PM) ang hamon sa mga kongresistang nagsusulong ng Charter Change (Cha-Cha) na magsitungo sila sa mga palengke upang alamin nang diretso sa mamamayang Pilipino kung pabor sila sa pagbabago ng Saligang Batas, o hindi.

Bagamat hindi binanggit sa kanilang kalatas, ang hamon ay tinawag ng PM na “Palengke Challenge” na ibinato kay Speaker Lord Allan Jay Velasco dahil ito naman ang pasimuno ng Cha-Cha, ayon kay Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr.

Kasama rin sa hamon si Garbin dahil siya ang aktibo at agresibong nagsusulong ng Cha-Cha bilang tserman ng Committee on Constitutional Amendments sa Kamara de Representantes.

Sabi ng PM: “Sa halip na sila-sila at sa nakatagong silid ng Kamara de Representantes ginagawa ang pagdinig sa planong Charter Change, hina[ha]mon … ng Partido Manggagawa (PM) [ang mga kongresistang pabor sa Cha-Cha] na sa mga palengke [nila] ito isayaw”.

Layunin ng Palengke Challenge na direktang malaman mula sa mga mamimiling manggagawa na mayroong trabaho at walang trabaho kung solusyon ang pag-amiyenda sa Saligang Batas sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kamakalawa, inakusahan ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coalition, na walang lohika, o wala sa hulog, ang mga kongresistang nagsusulong ng Cha-Cha dahil kumbinsido ang lider – manggagawa na hindi tamang solusyon na palakihin ang parte ng pag-aari ng mga dayuhang kapitalista sa lupa at negosyo mula sa kasalukuyang 40 porsiyento hanggang 100 porsiyento.

Idiniin ni Matula na maraming bansa sa Asya na limitado rin ang parte ng mga dayuhang kapitalista sa pagnenegosyo, ngunit maunlad ang kanilang ekonomiya.

Tinuran ni Matula na isa sa pangunahing dahilan sa problema ng ekonomiya ng Pilipinas ay ang napakasahol na korapsyon.

Ang iba pa ay ang nagaganap na extra-judicial killings at mga pambabalasubas ng mga kapitalista sa mga manggagawa.

Ayon kay Rene Magtubo, tagapangulo ng PM, “Kung sa Kamara ay Cha-Cha ang napiling libangan ng mga kongresista sa panahon ng pandemya [ng COVID-19], sa mga pelengke ay karera sa presyo [naman] ang hinahabol ng masa”.

Aniya, inireport din ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tumaas ang presyo ng ilang gulay at karne ng baboy mula 50% hanggang 275% noong Enero 2020 kumpara ngayong Enero 2021.

Naniniwala ang lider ng PM na ang sobrang taas ng presyo ng mga bilihin ay hindi kayang patigilin kahit mabago ang ilang probisyon ng Konstitusyon, lalo na ng probisyon tungkol sa ekonomiya.

Nang pasimulan ni Garbin nitong Enero 14 ang pagtalakay sa mungkahing pagbabago sa 40 porsiyentong parte ng pag-aari ng mga banyagang negosyante sa lupa at korporasyon sa bansa ay mga ekonomistang produkto ng University of the Philippines – School of Economics at mga dating pinuno ng National Economic Development Authority (NEDA), kabilang ang ‘pinatalsik’ ni Pangulong Rodrigo Duterte na hepe ng NEDA na si Ernesto Pernia, na lahat ay iginiit na kailangang ‘buksan’ ang ekonomiya sa mga dayuhang kapitalista upang umalagwa nang husto ang ekonomiya ng bansa.

Dumalo rin sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments ang tagapagsalita ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Undersecretary Jonathan Malaya na naghain ng listahan ng 500,000 Pilipino na pabor sa pagbabago sa Saligang Batas.

Walang kinatawan ng mga manggagawa, manggagawa sa ibang bansa, manggagawang bukid, magsasaka, mangingisda, guro at iba pang batayang masa na direktang apektado ng ekonomiyang pinagagalaw ng kapirasong bilang ng mga bilyonaryo at mga kasosyo nilang dayuhang negosyante at ng kakampi nilang administrasyon.

Naninindigan ang PM na napakahalagang mapangkinggan ang boses at mga argumento ng marginalized sectors sa bansa sa isyu ng Cha-Cha. (NELSON S. BADILLA)

139

Related posts

Leave a Comment