(CREMA LIMPIN)
MARAMI ang nabigla sa pagpanaw ng tinaguriang James Bond ng Pilipinas. Sa edad na 86, tuluyan nang namaalam ang actor na si Tony Ferrer na higit na kilala noon bilang si Tony Falcon: Codename Agent X-44, ang counterpart ni Agent 007 ng Britanya.
Sa pagpanaw ni Antonio Laxa sa tunay na buhay, tanging mga “reconstructed films” na lamang niya ang makakapagpakilala sa mga nabibilang sa millennial generation sa tatak ni Agent-X-44.
Sumakabilang-buhay si Tony, ngayong Sabado ng umaga (ika-23 ng Enero) sa kanyang tahanan sa Pasig City.
Inulila ni Agent X-44, ang apong young actor na si Donny Pangilinan. Anak ni Tony ang ina ni Donny, ang actress-author na si Maricel Laxa.
Bukod kina Maricel at Mark, anak din ni Tony ang dating aktres na si Mutya Crisostomo.
Isinilang sa Macabebe, Pampanga noong June 12, 1934, sumikat si Tony noong 1960s at 1970s bilang “James Bond of the Philippines.” Si James Bond ang iconic fictional character ng British novelist na si Ian Fleming.
Taong 1953 nang unang binigyang-buhay sa pelikula si James Bond bilang isang British super spy, na tinatawag ding Agent 007.
Dekada ’60 naman nang pumatok ang pagbibida ni Tony bilang ang spy at secret agent na si Tony Falcon sa movie series na Agent X-44.
Nauna rito, ang unang pelikula ni Tony ay ang Kilabot sa Barilan, na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. o FPJ at ipinalabas noong 1960.
Sa sumunod na mga taon, gumawa si Tony ng napakaraming action films at nakatrabaho ang mga pinakasikat na actions stars sa bansa, tulad nina Ramon Revilla Sr. (Nardong Putik, 1972), Ramon Zamora (Experts, 1979), Lito Lapid (Back to Back, 1979), Rey Malonzo (Deadly Fighters, 1979), at Ace Vergel (Pangkat Do or Die, 1980).
Nakatrabaho niyang muli si FPJ sa Ang Agila at ang Falcon (1980) at nakaeksena sa action stunts maging ang mas batang action stars na sina Ramon “Bong” Revilla Jr. (Chinatown: Sa Kuko ng Dragon, 1988), Ronnie Ricketts (Black Sheep Baby, 1989), at Jess Lapid Jr. (Isang Milyon sa Ulo ni Cobra, 1990).
Sa pinagbidahang drama films, nakaeksena naman ni Tony sina Snooky Serna (The Golden Child, 1971), Chanda Romero (Alat, 1975), Alma Moreno (Jailbreak!, 1976), Niño Muhlach (Wonder Boy, 1976), at Nora Aunor (Sa Lungga ng mga Daga, 1978).
Napanood din si Tony sa international films na The Vengeance of Fu Manchu (1967), Blind Rage (1978), at Cover Girl Models (1975).
Taong 2007 nang huling mapanood si Tony sa pelikula, nang magkaroon siya ng special participation sa Agent X44 remake ni Vhong Navarro.
June 14, 2019 nang ibinahagi ni Donny kung paanong naging espesyal para sa kanya ang pagdiriwang ng 85th birthday ng kanyang Lolo Tony.
