IMINUNGKAHI ng lider ng mababang kapulungan ng Kongreso ang paglalaan ng P420 bilyon sa pagpapatupad ng ikatlong bersiyon ng Bayanihan Act.
Layon nitong maiangat ang patuloy sa pagbagsak na ekonomiya ng bansa lalo’t hindi pa nakikita ang katapusan ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Base sa House Bill (HB) No. 8628 o ang “Bayanihan to Arise As One Act (Bayanihan 3), binigyan-diin ni Speaker Lord Allan Velasco ang pangangailangang muling pasiglahin at maiangat ang ekonomiya na resulta ng umiiral na national health crisis.
“While the two previous Bayanihan laws—Bayanihan to Heal As One and Bayanihan to Recover As One—increased the government’s initial capacity to respond to the demands of the COVID-19 crisis, these were not sufficient for the genuine economic recovery of the country,” ayon pa sa House Speaker.
Nakapaloob sa Bayanihan 3 Bill na ito, kung saan co-author si House Deputy Minority Leader at Marikina City 2nd Dist. Rep. Stella Quimbo, habang may 115 iba pang kongresista na kabilang sa super majority ng Kamara ang nagpahayag pagsuporta, ang mga sumusunod:
– Paglalaan ng P52 bilyon bilang subsidies sa small businesses para sa wages at iba pang worker-related expenses;
– P100 bilyon naman para sa capacity-building ng mga negosyo na kabilang sa tinatawag na critically impacted sectors;
• Pagpapatupad ng karagdagang social amelioration program na bibigyan ng P108 bilyon na pondo at pamamahalaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD);
• P70 bilyon para sa assistance at capacity-building program ng farmers, livestock producers at fishermen;
• P30 bilyon naman sa implementasyon ng unemployment assistance at cash-for-work programs sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE);
• Pagkakaroon ng P30 bilyon na badget para sa internet allowances ng primary, secondary at tertiary students at teachers, kapwa ng public at private educational institutions;
• P5 bilyon para sa rehabilitasyon ng typhoon-affected areas, kasama ang repair, reconstruction at construction ng flood control works, roads, bridges, public buildings at iba pang damaged public works.
• P25 bilyon ang ibibigay sa Department of Health (DOH) para sa pagbili ng COVID-19 medication at vaccines, gayundin para sa gastusin sa logistics, information awareness campaigns, at iba pang operational expenses nito.
Sinabi ng House Speaker na dapat pangunahan ng pamahalaan ang pagpapalakas sa business at consumer confidence kung saan kinakailangan maging aktibo at dagdagan ang government spending o paggamit sa public funds lalo na sa mga programa at proyektong may positibong epekto sa inaasam na pagpapalago sa ekonomiya ng bansa. (CESAR BARQUILLA)
238
