Kalayaan ng magulang magpasya kikitilin HB NI REVILLA LABAG SA KONSTITUSYON

NELSON S. BADILLA

WALANG pakundangang kinalaban at nilabag ng mga kasapi ng Kamara de Representantes ang Konstitusyon nang ipasa nila ang panukalang batas na inisponsoran ni Cavite Representative Strike Revilla hinggil sa pagpapalawig ng batas tungkol sa programang “mandatory immunization”.

Tinumbok ng mga dalubhasa sa Saligang Batas na “unconstitutional” ang House Bill No. 8558, o “Mandatory Immunization Program Act”.

Nagkakaisa ang mga dalubhasa na ang panukalang batas ay kinakailangang “constitutional” at “consistent” sa Konstitusyon, sa halip na taliwas at kinakalaban dito, sapagkat ang Konstitusyon ay “pundamental na batas” ng isang bansa tulad ng Pilipinas.

Lumabas ang pagtutol isang linggo makaraang ipasa ng mayorya ng mga kongresista ang HB 8558 sa ikalawang pagbasa sa Kamara makaraang akuin ni Revilla ang sponsorship ng panukalang batas.

Si Revilla ay isa sa anim na kinatawan ng Cavite sa Kamara.

Siya ay kapatid ni Senador Ramon Revilla Jr.

Ayon kay Revilla, layunin ng HB 8558 na palakasin ang programang pagbakuna sa mga Pilipino upang hindi maulit ang iregularidad sa dengue vaccination program noong termino ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino.

Maraming bata ang namatay sa nasabing programa na pinamunuan ni dating Health Secretary Janette Garin.

Si Garin ay isa sa mga sinampahan ng kasong kriminal sa Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) dahil sa mga batang namatay na ang pinaghihinalaang dahilan ay ang bakuna sa mga bata.

Si Garin ay naging kasapi uli ng Kamara mula Hunyo 2019 bilang kinatawan ng Iloilo.

Batay sa rekord ng Kamara, ang HB 8558 ay pagsasama ng labing-isang HB na pare-parehong naghahangad na amiyendahan ang Republic Act No. 10152 (Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011).

Isinama na sa HB 8558 ang pagbakuna upang maging ligtas umano ang mga bata sa mga sakit na naiiwasan tulad ng tuberculosis, diphtheria, tetanus, pertussis, poliomyelitis, measles, mumps, rubella o German measles, hepatitis B, human influenza type-B, rotavirus, Japanese encephalitis, pneumococcal conjugate vaccine (PCV) at human papilloma virus (HPV).

Kasama rin dito ang pagpapalakas sa pagsugpo sa measles, rubella, tetanus at diphtheria (MRTD).

Hindi kasama ang pagbakuna sa dengue na naging mandatory noong 2016.

Sa inaasahang maging batas, wala nang kapangyarihan ang kalihim ng Department of Health (DOH) na magpasya sa paglulunsad ng programang baksinasyon.

Posibleng resulta ito ng kapalpakan ng ikinasang programang baksinasyon laban sa dengue ni Garin.

Sa halip, inilagay sa HB 8558 na magtatayo ang pamahalaan ng “National Immunization Technical and Advisory Group, o NITAG, na magsisilbing “technical” at “independent multi-disciplinary advisory body” sa DOH sa paglulunsad ng programang pagbabakuna sa lahat ng edad.

Ngunit, nilinaw sa panukala na kahit mayroong magbibigay ng payo at gabay sa DOH secretary, wala pa ring kapangyarihang magpasya ang opisyal sa nasabing programa.

Ang mangyayari ay ipararating at iuulat ng NITAG ang rekomendasyon nito sa pagbakuna sa “joint committee” ng Kamara at Senado.

Inamin ni Revilla na siya mismo ang nagtulak na bawasan ang kapangyarihan ng kalihim ng DOH.

Matapos ipasa sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara, ipararating ang HB 8558 sa Senado upang tanggapin nila ito nang buo, o maglabas ng ibang bersiyon, o hayaang nakapila sa kanila.

Itinuro ng eksperto sa Konstitusyon na ang probisyon sa Saligang Batas hinggil sa “natural right” ng bawat magulang ang direktang nilabag ni Revilla at ng iba pang kongresistang bumoto pabor sa HB 8558.

“Ang karapatang magpabakuna, o hindi, at kung anong bakuna [man ito] ay isang “natural right’ ng bawat magulang. Hindi kailangang isabatas ito. Violation ito ng Constitution,” paliwanag ng isang abogado na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Idiniin din nito na: “Malinaw na paglapastangan sa natural na karapatan at tungkulin ng magulang na kalingain ang kanyang mga anak sa desisyon at pamamaraan na sa tingin nila ay naaayon at nararapat [sa kanilang mga anak]. Hindi ito kailanman dapat saklawan, o saklawin ng estado”.

Kapag naipasa ang panukalang batas ay mistulang “ipinasa” ng mga mambabatas “ang death penalty at abortion law”.

Batay sa kasaysayan, kinukuwestyon ng mga organisasyon ng masa sa Korte Suprema ang constitutionality ng isang batas.

Ipinag-uutos ng batas ng bansa na ang Korte Suprema ang siyang magbibigay ng hatol kung nakabatay sa Konstitusyon ang batas na ipinasa ng Kongreso at nilagdaan ng pangulo, o hinayaang maging batas ang panukala, 30 araw makalipas na matanggap ng pangulo ang ipinasang batas ng Kongreso.

409

Related posts

Leave a Comment