WALA nang mga balakid sa pagmimina ng 26 kumpanya, kaya pinahintulutan sila ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na simulan ang pagkasa sa kani-kanilang mga proyekto ngayong taon.
Ayon kay MGB Director Wilfredo Moncado, naipasa na ng 26 mining firms ang mga rekesito tulad ng “mineral production sharing agreements” (MPSAs) sa ahensiya, kaya pinayagan na silang umarangkada ngayong taon ng kani-kanilang mga proyekto.
Ayaw ilabas ni Moncado ang mga pangalan ng mga kumpanyang pinayagan na sa pagmimina.
Sinabi nitong walo sa 26 kumpanya ay metallic mines ang mga proyekto, samantalang non-metallic mines ang 18 iba pa.
Ayon sa mapagkakatiwalaang source mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), isa sa mga kumpanyang pinaboran ng MGB para magsimula ng operasyon ay ang Philex Mining Corporation, na pinamumunuan ni Manny V. Pangilinan (MVP).
Mayroong proyekto ang Philex sa Surigao del Norte na $75 milyon ang halaga.
Ayon kay Moncado, kahit na mayorya sa mga proyekto ay non-metallic mines ang produkto, nakaugnay naman ito sa proyektong Build, Build, Build (BBB) ng administrasyong Duterte, dahilan upang pahintulutan ng MGB ang mga ito.
Ayon sa MGB, napakalakas ng demand ng ibang mga bansa sa ginto, tanso at nikel, kaya makatutulong sa pag-usad at pagbangon ng ekonomiya.
Ito ay dahil obligado ang administrasyong Duterte na malutas ang negatibong higit 9.8% gross domestic product (GDP) noong 2020.
Ang negatibong 9.8% ay pinakamababa simula nang makalap ang datos ng pamahalaan noong 1946 para sa GDP.
Batay sa rekord ng MGB, China ang bagsakan ng 90% sa produksyon ng nikel ng bansa. (NELSON S. BADILLA)
