MULING nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) na ipinagbabawal sa mga dayuhan ang paglahok sa political activity sa bansa.
Ang muling pagbanggit ni BI Commissioner Jaime Morente sa pagbabawal sa mga dayuhan sa paglahok sa mga ay rali ay kasunod ng pag-iisyu ng order hinggil sa pagpapatapon sa Dutch man na si Otto Rudolf De Vries.
Ayon kay Morente, ang Bureau ay nakatanggap ng impormasyon mula sa government intelligence sources na si De Vries ay aktibong simasali sa iba’t ibang protest rallies sa bansa.
Lumabas sa records na si De Vries ay may permanent resident visa sa ilalim ng Section 13 ng Philippine Immigration Act of 1940.
“There are no exemptions,” ani Morente. “Foreign nationals, regardless of their visa type, may not engage in partisan political activities.”
Kasabay nito, kinumpirma ng Bureau na may kautusan para kanselahin ang permanent visa ni De Vries, pati na rin ang pagpapaalis sa kanya sa bansa na nilagdaan noong Nobyembre 2020.
“His name has also been included in the immigration blacklist for being an undesirable alien,” dagdag pa ng hepe ng BI. (JOEL O. AMONGO)
