Ni Ann Esternon
Kahit panahon ng pandemya, marami-marami pa rin ang pumapasok sa mga trabaho o opisina na nakasuot ng jeans.
Dahil panahon din ng krisis, ito rin ang tamang panahon para maging maingat tayo sa mga damit dahil sa kahirapan din ng ekonomiya at kailangang magtipid. Paano ba iingatan ang mga pantalon?
– Ayon sa website ng Levi Strauss & Co. hindi kailangang labhan ang jeans sa bawat paggamit nito dahil hindi iyan binili para maluma.
Kung hindi naman maruming-marumi ang pantalon pero may dumi ito sa isang partikular na lugar ay ito na lamang ang linisan. Halimbawa, kung ang parteng tuhod nito ay may putik ay kumuha ng soft brush na may kaunting tubig at kaunting sabon saka ikuskos sa maruming bahagi nito – hindi kailangang labahan.
– Minsan lang dapat na labhan ang jeans at iwasang labhan ito sa washing machine. Kailangang umabot muna ng 10 beses na paggamit ang pantalon bago ito labahan. Ibig sabihin sa pagsuot pa lamang nito ay dapat maging maingat na. Iwasang mapawisan, maalikabukan, maputikan, mamantsahan ng tinta, pagkain, mantika at iba pa.
Bago ito labahan at itsek muna ang bawat bulsa at secret pockets nito at siguraduhing matatanggal ang anumang nakalagay mula rito.
Tandaan na dapat mas ingatan ang darker color na jeans dahil habang nalalabhan ito sa washing machine man o sa kamay ay nangungupas ang kulay at nabubugbog ang tela, at maaaring kalawangin ang copper rivets nito.
Gamitan ng malamig na tubig sa paglalaba, mild na sabon lamang at sapat na tubig lamang ang kailangan para mas safe ang damit at hindi mangupas.
– Siguraduhing walang nakatuping bahagi ng pantalon para masigurong malilinisan ang bawat bahagi nito.
– Isampay ito matapos malabhan at patuyuin sa hangin – huwag gumamit ng dryer dahil ikakasira lamang ito ng kalidad ng tela. Kailangan ay air dry lang ito ito at hindi dapat matapat o mabilad sa sikat ng araw. Siguraduhin ding nakabaliktad (inside out) ang mga damit at maayos ito nakasampay.
– Maging maingat din kung ito ay kailangan pang plantsahin. Kung stretchable ang tela nito, o tama ang fit nito sa katawan ay mas maiging hindi na plantsahin pa para hindi maging malutong ang hibla ng tela kalaunan.
