NILAGDAAN ni Navotas City Mayor Toby Tiangco noong Marso 9 ang Memorandum Order No. TMT 2021-033, nakasaad ang pagpapatupad ng “Three-Strike Policy” sa lahat ng mga barangay sa lungsod.
“Kung mas maraming nahuhuling mga lumalabag sa safety protocols ang Task Force Disiplina o PNP kaysa mga taga-barangay, at kung maulit ito nang tatlong beses, idudulog po natin ang barangay sa ating Sangguniang Panlungsod dahil sa matinding pagpapabaya sa tungkulin,” ani Tiangco.
Binigyang-diin ni Tiangco, ang ‘di kusang pagtalima sa safety measures dagdag ang kabiguang ipatupad ang mga ito, ang pangunahing dahilan ng “upsurge” ng mga kaso ng COVID-19 sa mga bata at matanda sa Navotas.
Dagdag niya, ayaw man niyang i-lockdown ang buong lungsod, kapag hindi nakuha sa granular lockdown ang pagsirit ng COVID cases, ay barangay na ang ila-lockdown, at kapag dumami ang mga barangay na naka-lockdown, sa huli ay buo na ring ila-lockdown ang lungsod.
