PAGBUWAG SA IATF TINABLA

IBINASURA ng Malakanyang ang panawagan ng ilang mambabatas na buwagin na ang Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ginamit na panabla ni Presidential spokesperson Harry Roque ang sinabi ng isang opisyal ng Department of Health (DoH) na ang pagsirit ng COVID-19 cases ay dahil sa presensiya ng bagong coronavirus variants sa bansa.

“Tanggapin natin o hindi, nag-mutate ang mga virus at hindi naman siguro kasalanan ng IATF na nag-mutate itong mga virus sa pamamaraan na mas nakakahawa sila,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Giit pa ni Sec. Roque na ang lahat ng naging desisyon ng IATF kabilang na ang karagdagang restriksyon na ipinatutupad simula kahapon, Marso 22, araw ng Lunes sa Metro Manila at sa apat na kalapit-lalawigan nito gaya ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna ay base sa scientific data.

Nabatid na sinuportahan maging ng militanteng grupo sa Kamara ang mungkahi ni Sen. Imee Marcos na buwagin na ang IATF at ibigay sa mga medical expert ang pamamahala sa problema sa COVID-19.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat, panahon na para buwagin ang IATF dahil kung hindi ay posibleng lalala pa ang pandemyang nararanasan ngayon ng bansa.

“Sinasabi na natin yan last year pa – na hayaan ang mas nakakaalam, ang mga health expert, mga siyentista’t doktor, na magbigay ng ekspertong gabay sa kung ano ang dapat na wastong tugon sa pandemya,” ani Cullamat.

Gayunpaman, imbes na makinig aniya si Pangulong Rodrigo Duterte sa taumbayan ay binuo ang IATF at ibinigay ang pamumuno sa dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines na si Secretary Carlito Galvez. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

500

Related posts

Leave a Comment