MARAHIL nga kinaka-ilangan nang gamitan ng kamay na bakal ng gobyerno ang paglaban sa nakakamatay na sakit na ngayon ay mas lalo pang mabilis na nakakahawa.
Kailangan na nga siguro ang kamay na bakal dahil sa sobrang pasaway nating mga kababayan. Yung simpleng pagsusuot ng face mask at face shield upang huwag mahawa ng sakit na COVID-19 ay hindi pa magawa!
Kailangan pa talagang paalalahanan na gawin yung kanilang parte upang makatulong sa paglaban sa nakakamatay na sakit.
Mga kapwa Pinoy hindi lang po trabaho ng gobyerno yung paglaban sa nakamamatay na sakit may bahagi po tayo dyan!
Dahil kung hindi po tayo makikipagtulungan sa ating pamahalaan wala po tayong patutunguhan lulobo’t lolobo talaga ang bilang ng mahahawaan ng nakakamatay na sakit dahil sa kawalan ng pakialam ng iba nating mga kababayan.
Hindi po biro ang pagdami ng mga nahawahan ngayong buwan ng Marso, na hindi nangyari nuong unang bugso ng COVID-19 sa bansa dahil umabot na tayo sa mahigit sa walong libong kaso ng mga nahawaaan ng naturang nakamamatay na sakit.
Kaya nga kung ako lang ang tatanungin payag na akong gamitin na ng mga pulis yung kanilang mga yantok at paluin sa puwet yung mga pasaway na hindi nakikipagtulungan sa paglaban sa COVID-19.
Diba may kasabihan tayo kung hindi pa ma-uuntog hindi yumuyuko., kaya marahil kailangan na sa mga pasaway nating mga kababayan makaranas ng palo sa kanilang puwet para magtanda sila na mayroong protocol na dapat nilang sundin.
Kasi po lahat na ng paa-lala ay ginawa na ng ating pamahalaan sa paglaban natin sa COVID-19 pero sobrang marami pa rin ang pasaway na Pinoy sa mga pampublikong lugar.
At doon naman sa mga nagsasabing hindi daw dapat sisihin ang publiko sa pagkalat ng nakamamatay na sakit, eh sino po ba ang sa tingin ninyo ang dapat sisihin ng gobyerno?
Marahil kung walang ginagawa ang ating pamahalaan para sa paglaban sa COVID-19 ay masasabi kung tama kayo.
Subalit nakita naman ninyo lahat ng paraan ay ginagawa ng ating gobyerno para huwag nang lumawak ang hawaan ng naturang sakit subalit sadyang sa kawalan ng pakialam ng iba kaya ganyan ngayon ang sinapit natin na sobrang mataas ang bilang ng mga nahawahan.
Ang pinangangambahan ko lang at dapat nating bantayan mga ka-saksi, ay baka di na mapapansin o mapapabayaan na ang paglaban sa nakakamatay na sakit dahil sa 2022 National at Local Elections.
Dahil sa ngayon pa nga lang marami ng mga epal ang nagngangawa na kunwari ay inaalala ang kapakanan ng publiko pero ang totoo ay namumulitika na!
Pag nagkagayon ang masasabi ko sa lahat ng Pinoy good luck sa ating lahat!
At ang nakakatakot ay baka walang ng ni isang Pinoy ang hindi mahawaaan ng COVID-19 dahil na rin sa pagpasok ng UK at AFRICAN Variant na sinasabing mas mabilis na maka pang hawa.
