Iniutos ni Eleazar SURPRISE INSPECTION SA MGA POLICE STATION

INATASAN kahapon ni PNP Officer in Charge P/Lt General Guillermo Eleazar ang lahat ng mga police commander at unit heads na magsagawa ng surprise inspections sa mga police station at mga tanggapan para tiyaking tumutupad ang lahat ng PNP Personnel sa minimum health requirement.

Ayon kay Lt Gen. Eleazar, sa tagubilin ni Chief PNP, Police General Debold M Sinas, inaatasan ang lahat ng police commanders at pinuno ng ibat ibang police units na inspeksyunin ang kanilang mga nasasakupan para masigurong sumusunod maging ang mga pulis sa minimum health safety protocol para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus.

Inihayag ni Lt. Gen Eleazar, PNP Deputy Chief for Administration at concurrent commander ng Administrative Support on COVID-19 Task Force (ASCOTF), nakaaalarma na ang pagsipa ng COVID-19 cases sa bansa at hindi rin nakaligtas maging ang buong PNP organization.

Kamakalawa, umakyat sa 229 ang bagong kasong naitala sa loob lamang ng isang araw kaya umakyat na sa 13,666 ang kabuuang bilang ng PNP personnel na infected ng nakamamatay na coronavirus simula nuong isang taon.

Nasa 36 reported deaths at 1,649 ang active cases. Habang ang iba ay fully recovered at nakabalik na sa serbisyo.

“The 229 reported cases yesterday were the highest reported in a day, but the actual tests were from different dates which include late reports,” paglilinaw ni PLt. Gen. Eleazar.

Samantala, balik-trabaho na si PGen. Sinas matapos makumpleto ang mandatory 14 days quarantine.

Magugunitang sumailalim si Sinas sa quarantine sa Kiangan Treatment Facility sa Camp Crame noong Marso 11 matapos magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay PNP Spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana, agad nakipagpulong si Sinas sa PNP Health Service para talakayin ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.

Binusisi rin nito ang mga report kaugnay ng estado ng kampanya ng PNP para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kanilang organisasyon. ( JESSE KABEL)

 

Digong pumiyok
PINAS WALA PANG
NABIBILING BAKUNA

HINDI pa nakabibili ang bansa ng anomang bakuna mula sa foreign drugmakers.

Tugon ito ng pangulo sa patuloy na paghahanap ng ilang opisyal at ng publiko kung nasaan na ang bakuna laban sa COVID-19 lalo pa’t umabot na sa ilang bilyong piso ang utang ng Pilipinas.

Giit ni Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, Miyerkoles ng gabi na ang kasalukuyang COVID-19 vaccines na ipinamamahagi sa bansa ay donasyon ng China at COVAX Facility.

Makailang ulit namang sinabi ng Chief Executive na ang pondong hiniram ng pamahalaan para ipambili ng COVID-19 vaccines ay nananatiling nasa bangko. (CHRISTIAN DALE)

170

Related posts

Leave a Comment