SINDIKATO NI ‘REM’ MATINDI PALA SA BI

ULITIN ko lang ang nabanggit ko sa istorya nitong nakaraang linggo at dito sa BADILLA ­Ngayon nitong Miyerkules na mayroon nang dalawang taong nagaganap ang human ­trafficking na pakana ng ilang opisyal at mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI).

Tugma ‘yan sa nakuha kong impormasyon sa pinuno ng isang organisasyong nagtatanggol sa mga Overseas Filipino orker (OFW) na dalawang taon na ang nakalipas ay mayroon silang tinulungang babaeng biktima ng human trafficking.

Ang naturang OFW raw ay napunta sa Syria nang hindi nagkaproblema sa mga kinailangang dokumento, kabilang na ang pasaporte, kapalit ang malaking halagang ibinayad sa BI.

Nagtatrabaho sa BI ang nag-asikaso sa pag-alis ng nasabing babae – at malamang ng iba pang babae – papuntang Syria.
Tugma ang impormasyong ‘yan sa impormasyon na nakalap ng isang senador.

Binanggit ko rito sa BADILLA Ngayon nitong Miyerkules na sa BI nakipagtransaksiyon ang mga babaeng nakaalis sa bansa nang walang aberya makaraang makapagbayad ng P50,000 kada isa sa kanila.

Inilinaw sa imbestigasyon sa Senado nitong Marso 22 na ang tagabayad ng mga babae ay ang grupong nagrekrut sa kanila na magtrabaho sa ibang bansa.

Hindi ko lang tinukoy kung saan sa loob ng BI eksaktong naganap ang pakikipag-usap sa mga empleyado rito hinggil sa human trafficking.

Ayon sa opisyal ng ­organisasyon ng mga OFW, mayroon daw palatandaan sa window ng BI na pinupuntahan ng mga babaeng makikipagtransaksiyon sa naturang ahensiya.

Sabi ng parehong source, dati ay “bulaklak” ang palatandaan sa window ng BI.

Hindi lang makumpirma ng source kung bulaklak pa rin, o binago na, ang palantadaan sa window ng BI.

Ang mahalaga ay mayroong palatandaan upang hindi tanong nang tanong at hanap nang hanap ang mga babaeng pupunta sa BI na walang kamuwang-muwang na pagkakakitaan na pala sila ng sindikato sa BI.

Itago natin sa alyas na “REM” ang pinuno ng sindikato ng human trafficking sa BI.

Ayon sa source, si REM ang binanggit na pangalan sa samahan ng mga OFW na pinuno ng sindikato ng human trafficking sa BI.

Ngunit, binanggit din sa akin ng parehong source na wala na si REM sa BI.

Naloko na! Saang lupalop ng impiyerno ngayon hahanapin si REM.

Ngunit, si REM pa rin ang nagmamando at nasusunod sa BI, sapagkat nagtatrabaho pa rin sa nasabing ahensiya ang mga ‘galamay’ ni REM, paniniyak ng source.

Pokaragat na ‘yan!

Iniwan ni REM ang BI mahigit dalawang taon na mula noon hanggang ngayon.

Napakaganda ng puwesto noon ni REM dahil maliban sa mayroon siyang ‘titulo’, hindi maipagkakailang “juicy” ang kanyang posisyon sa BI.

Kung pag-aaralang mabuti, hindi lang juicy, kundi sobrang juicy.

Pokaragat na ‘yan!

Nabanggit sa imbestigasyon sa Senado nitong Marso 22 na 86 BI officers ang sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman (OMB) noong Nobyembre, 2020 dahil sa paglabag umano nila sa batas hinggil sa katiwalian at korapsyon.

Ang nagawang krimen ng 86 ay hinggil sa P10,000 singil nila sa mga dayuhan, lalo na ang mga Intsik, na pumapasok sa bansa, sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nang walang visa upon arrival (VUA).

Batay sa naunang imbestigasyon sa Senado hinggil sa talamak na katiwalian at korapsyon sa BI, umabot sa P40 bilyon ang kinita ng mga taga-BI na sangkot sa pangingikil ng P10,000 na ‘nakatago’ sa papel tulad ng pambalot sa kending pastilyas.

Nagsimula ang konsepto ng VUA na ipinalarga ni dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II noong 2017.

Natigil ang pangingikil ng mga taga-BI gamit ang VUA nitong 2020.

Kasama sa 86 BI officers si Michael John Angeles sa mga inihabla ng NBI sa OMB.

Nabanggit sa Senado na itong si Angeles ay sangkot daw sa human trafficking.

Ang iba pang mga opisyal at kawaning nabanggit sa imbestigasyon ng Senado na sangkot umano sa human trafficking ay sina Mark Darwin Talha, Nerissa Pineda at Ervin Ortañez.

Si Ortañez ay anak ni Erwin Ortañez, pinuno ng Travel Control Enforcement Unit (TCEU).

Nabanggit sa imbestigasyon ng Senado ang isang “Fidel Mendoza” na inugnay din sa human trafficking.

Inamin ni BI Commissioner Jaime Morente na 28 BI Officers ang pinaiimbestigahan niya hinggil sa human trafficking na ­nagaganap sa ahensiyang pinamumunuan niya simula noong 2016.

Ngunit, hindi nabanggit ni Morente kung kasama si Mendoza sa pinaiimbestigahan sa human trafficking sa BI.

Hindi na kasama si REM sa iimbestigahan kahit sinasabing siya pa rin ang utak ng sindikato ng human trafficking, sapagkat matagal na siyang wala sa BI.

Sa kabilang banda, palagay ko kasama sa pinaiimbestigahan ni Morente si Mendoza, o “FM”.

Tinumbok kasi sa imbestigasyon ng Senado na itong si Mendoza ay “right – hand man of Red Mariñas”, ang tinukoy na pinuno ng “Pastillas Gang”.

Itinanggi noon ni Mariñas sa mga journalist na wala siyang ­nalalaman sa sindikato ng pastillas.

Hindi ko lang alam kung kasama si REM sa madidiin sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa human trafficking.

Problema na ‘yan ng mga Senador!

Ang pinuno ng organisasyon ng OFW na pinagkunan ko ng karagdagang impormasyong nagpalakas tungkol sa bangis ni REM ay ayaw nang sumali sa isyu ng korapsyon sa BI, sapagkat idiiin niyang “sindikato” na ang kalaban sa ahensiyang ito.

370

Related posts

Leave a Comment