MARAMI sa ating mga kababayan ang nangingibang bansa para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Ang hangad lamang nila ay mapag-aral ang mga anak , magkaroon ng munting negosyo at magkaroon ng sariling tahanan.
Ngunit sa kanilang pagnanais na magawa ito ay may mga OFW na buwis-buhay ang pinagdaraanan pagdating sa ibang bansa.
Isa na rito ang isang OFW na nasa Malaysia na biktima ng human trafficking.
Ipinarating sa AKOOFW ng isang OFW na itatago natin sa pangalang OFW Nene ang kanyang mapait na pinagdaraanan sa kasalukuyan .
Ayon kay OFW Nene, siya daw ay nakarating sa Malaysia sa hindi regular na pamamaraan dahil sa ahente na nag-engganyo sa kanya. Hindi niya sukat akalain na ang kanyang hahantungan pala sa MedanJjaya, Bintulu Sarawak, Malaysia ay isa palang prostitution den.
Ayon kay OFW Nene ay marami siyang kasama na kapwa rin niya Filipina na sa kasalukuyan ay tila alipin na hindi maaring tumanggi sa anumang ipinag-uutos ng sindikato.
Ayon pa sa sumbong ni OFW Nene na ipinarating sa akin ay “kami po dito ay nagbebenta ng katawan. Gabi-gabi, kami po ay pinapasama sa iba’t- ibang customer para makipag-sex para mabayaran.
Kapag hindi po kami sumama kami po ay sinasaktan ng boss namin kaya kami po ay napipilitan sumunod kahit labag sa aming kagustuhan.
Pero dahil sa pandemya sa kasalukuyan ay nagsara po yung pub namin at kami po ay pinagtratrabaho sa farm.
Pinagkakatay po kami ng manok at pugo wala po kaming tinatanggap na sweldo dahil katwiran ng aming amo ay libre naman daw po kami sa bahay .
Masyadong malupit ang aming amo na kapag nagkakamali po kami sa trabaho ay agad po kaming sinasaktan. Lagi po akong sinasampal at tinatakot na kami ay papatayin .”
Labis labis na ang pagpipighati ni OFW Nene sa pangaabuso na kaniyang dinaranas kaya kung saan-saang grupo na sila lumalapit upang maiparating lamang ang kaniyang masaklap na pinagdaraanan.
Nakakalungkot na patuloy pa rin ang mga ganitong pang-aabuso sa ating mga kababaihan sa ibang bansa. Marami na tuloy grupo at mga pinuno ng mga OFW ang nanawagan na itigil na ang pagpapahintulot sa pag-alis ng ating mga kababaihan kung hindi rin lamang ito magta-trabaho bilang skilled workers o sa mga tiyak na maayos na kumpanya.
Nakakapanlumo na makatanggap ng ganitong mga paghingi ng tulong mula sa ating mga kabayani dahil lamang sa kagustuhan nilang mabigyan ng sapat na pangangailangan ang kanilang pamilya ay nasasadlak sila sa kapahamakan.
Hindi lamang sa Malaysia nagaganap ang ganitong kalakaran, dahil noong ako ay nasa bansang Kuwait ay mayroon din napapabalita at nare-raid na prostitution den na ang mga biktima ay mga Pinay.
Maging sa bansang United Arab Emirates ay may mga ganito rin na sumbong tayong natatanggap. Kung kaya ang hanay ng AKOOFW ay nanawagan sa Senado na mas pabigatin ang kaparusahan sa mga nambibiktima o human traffickers.
Dapat din maipakita na mapaparusahan ang mga kasabwat ng mga sindikato mula sa hanay ng Bureau of Immigration at maging ang mga illegal agent o recruiter sa mga barangay.
Ang kaso na ito ni OFW Nene at ng kanyang mga kasamahan ay ating idudulog sa Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) .
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
