SA kabila nang imbestigasyon ng Senado sa pagsisiwalat ng umano’y resource person ng Pastillas scheme na si Alex Chiong sa matagal ng nangyayaring human trafficking umano sa NAIA ay tila hugas kamay naman dito ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Immigration?
Isang nakakagimbal na rebelasyon ang sumambulat sa sambayanan na ilang Pinay OFW’s ang umanoy nakaranas na sila’y ibenta sa sindikato ng White Slavery sa bansang Syria kung saan ay muling isinangkot ang pangalan ng ilang opisyal ng BI na diumano ay nasa likod nito?
Kung ating iisipin, bakit ang mga immigration officers at ilang opisyal ng BI ang itinuturong sangkot dito? Hindi ba dapat ay ang kanilang recruiter ang habulin upang makasuhan at mapanagot?
Ayon sa ating pagtatanong sa mga immigration officers sa NAIA, ang sinasabing mga Pinay na pinalusot sa Syria ay pawang mga dokumentado. Ibig sabihin ay kumpleto ang papeles upang makapag biyahe at payagang makalipad ng BI at kung ito’y kanilang haharangin sila naman ay makakasuhan dahil meron silang right to travel Mr. Commissioner Sir!! Isip din paminsan minsan.
Iginiit ng ating source sa NAIA na legal ang pagpapaalis nila sa mga Pinay na nagtungo sa bansang Dubai at kung ginawa man nilang backdoor ang Dubai ay wala ng kontrol dito ang Philippine Immigration sa kadahilanang wala naman aniyang direct flight na Manila to Syria.
Saludo tayo sa ginagawa ng mga Senador na pag-iimbestiga at iyan ay malaking tulong para sa ating mga kababayan pero sana naman ay huwag maging selective ang mga taong isinasangkot at magkaroon pa sana ng malalimang imbestigasyon sa isyung ito. Hindi lamang sa bansang Syria kundi pati sa Singapore na talamak ang bentahan ng laman.
Pero huwag din natin agad isisi sa mga immigration officers dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho. Ang hindi ko maintindihan, bakit hindi naisama dito ang BI- TCEU na siyang dinadaanan muna ng mga umaalis sa NAIA? Bakit din kaya hanggang sa kasalukuyan ay nasa puwesto pa rin ang head ng TCEU sa kabila ng maraming kontrobersya? Nagtatanong lang po.
Ang nalantad na 50k na sinisingil umano sa mga umaalis ay para lamang sa mga undocumented o kulang ang mga papeles pero sa ngayon ayon sa aking source doble na ang sinisingil ng mga tiwali. Umaabot na daw ito sa 100k at hanggang sa kasalukuyan ay nangyayari pa yan kagaya ng aking isiniwalat noong nakaraan na ang Cebu International Airport ang ginagawang palusutan papuntang Gitnang Silangan.
Commissioner Jaime Morente, kumusta ka na Sir? Ikaw ang tinuturing na Ama ng BI at panawagan ng iyong mga tauhan ay baka pwede ka daw mag imbestigang maigi bago maghugas kamay sa talamak na katiwalian sa inyong ahensiya.
Para sa inyong Sumbong at Reaksyon maari ninyo akong itext sa 09158888410.
