ISANG malaking tagumpay ang pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 para sa buong mundo. Napakatindi ng epekto ng pandemyang ito sa ekonomiya ng bawat bansa at maging sa buhay ng bawat indibidwal.
Maraming negosyo ang nagsara at halos malugi, marami ang nawalan ng trabaho, marami ang nagkaproblema sa panggastos sa araw-araw, at marami ang nawalan ng mahal sa buhay.
Sa kabila ng pagsisimula ng pagpasok ng mga dosis ng bakuna sa bansa, tila sinusubok na naman tayo ng pandemyang COVID-19. Sunud-sunod at patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bagong positibong kaso ng COVID-19 sa bansa kada araw.
Kamakailan ay umabot na ito sa higit sa siyam na libo. Bunsod nito ay marami ang naniniwala na mas malala ang ating kasalukuyang sitwasyon kumpara noong nakaraang taong 2020. Subalit ako ay naniniwala na ang pagkakaroon ng bakuna kontra COVID-19 ay sapat na upang magsilbing pag-asa na pasasaan pa’t bubuti rin ang sitwasyon ng ating bansa.
Ang paggawa ng bakuna kontra COVID-19 ay isa lamang sa mga solusyon na kinakailangan upang mapagtagumpayan ang pandemyang ito. Lubhang mahalaga rin na masiguro ang maayos at patas na pamamahagi nito.
Nitong linggo, umapela ang World Health Organization (WHO) sa mga mayayamang bansa upang ito ay mamahagi ng supply ng bakuna sa mga bansang walang sapat na badyet para rito at sa mga bansang nahihirapan makakuha ng bakuna para sa mga mamamayan nito.
“We have the means to achieve vaccine equity, but the gap between the number of vaccines administered in rich countries versus COVAX is growing every day. We appeal to countries to share COVID-19 vaccines out of self-interest, if nothing else!” Ito ang pahayag ni WHO Director-General Dr. Tedros Adhanom Ghebreyesus.
Sa kasamaang palad, maging sa pamamahagi at pagkuha ng bakuna ay nakikita ang matinding pagkakaiba sa pagitan ng mga bansang may mataas na pinansyal na kapasidad at ng mga bansang mababa ang pinansyal na kapasidad.
Bukod sa pinansyal na kapasidad, isang dahilan din kung bakit hindi nagiging madali para sa mga maliliit na bansa ang pagkuha ng mga bakuna ay ang pagbili ng sobrang supply ng mga mayayamang bansa gaya ng nangyari noong 2009 nang pumutok ang pandemyang H1N1.
Ang pangunahing itinutulak ng WHO sa kasalukuyan ay ang pagsiguro na maging ang mga maliliit at hindi mayayamang bansa ay mababahaginan ng bakuna kontra COVID-19. Lubos ang aking pagsuporta sa WHO sa usaping ito.
Ako ay naniniwala na ang kahalagahan ng buhay ng tao, saang bansa man ito kabilang, ay pantay-pantay. Ang bawat isa sa atin ay may karapatan na mabigyan ng proteksyon laban sa mga pandemyang gaya ng COVID-19, mayaman man o mahirap.
