MAY pahintulot ba mula sa Travel Control Enforcement Unit (TCEU) na nakabase sa NAIA ang pag-alis ng sinasabing biktima ng human trafficking sa bansang Syria?
Ayon sa ating source, makikita sa naka-encode na remarks sa travel record ng Pinay OFW na pinayagan ng TCEU ang pag-alis nito sa bansa kung saan ay walang special treatment o escort service na nangyari.
Matatandaang kasama sa isiniwalat ng isang senador na umano’y raket ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration sa NAIA ang human trafficking na ilang mga kababayan nating Pinay ang ibinenta sa bansang Syria ng white slavery syndicate.
Kung kaya’t naghimutok ang kalooban ng mga immigration officer sa naunang ulat na lumabas na sila ang sinisisi sa nangyari na naging kasiraan na naman sa BI. Anila, sana’y maging patas ang pagdinig at huwag nang haluan pa ng pulitika.
Idinagdag pa ng mga immigration officer na sila’y nalulungkot sa sinapit ng ating mga kababayan ngunit bakit anila pati ang napaulat na pagpapa-abort ng isang nabuntis na Pinay ay sa kanila pa isinisisi?
BI Commissioner Jaime Morente Sir! Dapat mong paimbestigahan itong maigi. Hindi po sagot sa isyu ang paghuhugas ng kamay at ilaglag ang iyong mga tauhan upang magmukhang inosente sa nangyari. Act like a General Sir! English po yan.
Ang TCEU ay nasa kapangyarihan noon ng Port Operations Division ng BI. Inalis ito sa POD at kinuha ng Office of the Commissioner at muling inilipat sa kapangyarihan ng Intelligence Chief ng BI kung saan ay minsan din akong tinanong kung bakit ko daw binabatikos ang TCEU.
Aba’y, natural Sir trabaho ko ito at hindi naman kayo mababatikos kung gumagawa ng tama ang iyong mga tauhan.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang mga reklamong ating natatanggap sa TCEU. Maraming isyu na ang napaulat ngunit nananatili pa rin ang isang opisyal. May katotohanan kaya na dahil ang kanyang asawa ay ka-batch sa PMA ni Alias JC? Nagtatanong lamang po.
Sa tagal ko nang member ng BI media ay marami ng naging mga kontrobersyal na isyu sa ahensyang ito at lahat ng ‘yan ay may halong pulitika. Isa na rito ang nangyari noong dekada 90.
Nasangkot noon ang Commissioner na si Zafiro Respicio sa pagpapa-deport sa 11 Indians na nahuli ng NBI sa kasong drug manufacturing. Ito ay ang ilegal na droga na kung tawagin ay Madrax.
Ang utak ng krimen ay nadismis sa kaso at natanggal sa puwesto si Respicio hanggang sa nahatulang guilty ng Sandiganbayan at ‘di nagtagal ay namatay dahil sa sama ng loob na noong nabubuhay pa ay iginigiit nya sa akin na wala syang kasalanan.
Para po sa inyong mga sumbong at reaksyon maaari ninyo akong itext sa 09158888410.
