HINDI na nahiya ang mga pulitiko na imbes na tulungan na lamang ang mga tao na naghihirap dahil sa pandemyang ito na hinayaan ng China na kumalat sa buong mundo, ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pangangampanya.
Parang wala na sa katuwiran na ipinagbabawal ang mga tao na lumabas sa kanilang bahay para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 ay may mga tauhan ang mga pulitiko na nag-iikot sa mga barangay, komunidad at maging sa mga subdivision para mamigay ng kalendaryo na may mukha ng pulitikong nais nilang patakbuhin sa 2022 presidential election.
Sa Oktubre pa ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ang mga pulitikong gustong ipagpatuloy daw ang paglilingkod sa bayan pero marami na sa kanila ang nangangampanya na sa gitna ng pandemya.
Puwedeng palusot na lamang ng mga pulitiko na hindi sila ang nagpagawa ng kalendaryo na basta na lamang inilalagay sa gate nyo ng kanilang mga taong inutusan na magpakalat ng mga kalendaryong ito.
Sasabihin lang nila na baka mga supporters lang nila ang nagpagawa at nagbayad ng mga taong magpakalat ng kalendaryo at wala silang personal knowledge dun kaya may lusot sila.
Kung may hiya ang mga pulitikong ito, dapat patigilin ang kanilang mga supporters dahil nasa gitna pa tayo ng pandemya at ang masisira sa kanilang ginagawa ay sila rin.
Pero wala tayong naririnig sa mga pulitiko na nagpapatigil sa kanilang mga supporters. Nakakabingi ang kanilang katahimikan kaya talagang hindi mo maiwasang isipin na sila rin ang nasa likod ng pangangampanya kahit wala pa sa oras.
Hindi na sila nahiya dahil imbes na tulong ang ibigay sa mga tao na naghihirap dahil sa pandemyang ito, ay kalendaryo ang ibibigay nila.
Anong maitutulong ng kalendaryo? Gagamitin sa pagbibilang kung hanggang kailan ang kanilang pagdurusa?
Eh baka yung mga kalendaryong iyan ang isa sa mga dahilan kung bakit malaganap na naman ang kaso ng COVID-19 dahil wala namang nakakaalam kung hindi COVID-19 infected ang mga yan na basta na lang ilalagay sa gate o pintuan ng bahay nyo.
Dinisinfect ba nila ang mga kalendaryong iyan bago nila ipamudmod? Saan ginawa yan? Baka sa China pa ginawa yan eh talagang walang kasiguraduhan na hindi contaminated ng COVID-19 ang mga yan.
Kung ako ay isang mambabatas, gagawa ako ng batas para amyendahan ang election code ng Pilipinas at ipagbawal ang mga ganyang mga pangangampanya kahit hindi pa panahon ng kampanya.
Laging katuwiran kasi ng Commission on Election (Comelec) hindi pa naman naghahain ng COC ang mga pulitikong yan kaya wala pa silang nalalabag na election law.
Saka lang ipagbabawal ng Comelec ang ganyang uri ng pangangampanya kapag naghain na sila ng COC at kailangang sumunod na sila sa 60 days campaign bago ang araw ng election para sa national candidates at 45 days sa mga local candidates.
Pero malinaw na pangangampanya na ang ginagawa ng mga pulitikong nangangampanya bago pa ang paghahain ng COC sa pamamagitan ng pag-iikot sa iba’t-ibang lugar, mamimigay ng kung anu-anong bagay kasama na ang kalendaryo na mayroon silang malaking mukha, pero hindi raw labag sa election law. Tsk tsk.
193
