SULU – Lima katao ang sugatan, kabilang ang dalawang sundalo ng Philippine Army, nang makasagupa ang isang pulutong ng ISIS influenced Abu Sayyaf Group sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng umaga.
Ayon kay JTF Sulu at 11th Infantry Division commander, MGen. William Gonzales, habang nagsasagawa ng routine combat patrol operation ang mga tauhan ng Army 21st Infantry Battalion (21IB) nang masabat nila ang mga bandidong Abu Sayyaf na nasa ilalim ng pamumuno ni Radulan Sahiron, sa area ng Brgy. Lower Sinumaan sa Patikul.
Matapos ang 15 minutong sagupaan, naramdaman ng teroristang grupo na dehado sila sa puwersa ng mga sundalo nang masugatan ang tatlo sa kanilang hanay kaya naghati sila sa dalawang pangkat at magkahiwalay na tumakas.
Sa pag-aanalisa ni Gonzales, ang mabilis na pag-atras ng teroristang grupo ay patunay nang paghina ng kanilang puwersa at kakulangan ng supply partikular sa amunisyon.
Kapwa ligtas na ang dalawang sundalong nasugatan matapos silang ilikas at isugod sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital, pahayag naman ni 21st IB commander, Lt. Col. Gerald Monfort.
Kabilang naman sa mga sugatan sa kalaban ng pamahalaan sina alyas “Aldam,” “Sans” at “Muadz” na apo ni ASG leader Radulan Sahiron.
Patuloy ang hot pursuit operation laban sa tumakas na ASG habang pinaigting ng militar ang kanilang alerto sa Sulu. (JESSE KABEL)
