PATAY ang isang 45-anyos na babae nang sumalpok ang sinasakyan niyang delivery van sa isang sa poste, habang malubhang nasugatan ang driver nito, noong Biyernes ng madaling-araw sa Caloocan City.
Idineklarang patay ng medical personnel ng Caloocan North Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO) ang biktimang si Margie Guardo, ng #3 Dhaka St., Vista Verde, Brgy. 167, habang ang driver ng Suzuki Carry Cab na may plakang NGJ-4926, na si Candar, 26, ng parehong address, ay itinakbo sa Caloocan City Medical Center.
Ayon sa pulisya, humaharurot ang sasakyan ng mga biktima sa Gen. Luis Road patungong Caybiga dakong alas-12:05 ng madaling araw.
Nawalan umano ng kontrol si Candar sa manibela pagsapit sa kanto ng Master Road sa Brgy. 165 at sumalpok ang minamaneho niyang sasakyan sa kongkretong poste.
Sa lakas ng pagsalpok, nawasak ang sasakyan at nagpaikot-ikot nang ilang metro hanggang sa mapunta sa kabilang linya na ikinapinsala ng mga sakay nito.
Kakasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide, physical injury and damage to property si Candar. (ALAIN AJERO)
171
