NAGPAHAYAG si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na hindi kailangang kumuha ng permit para sa pag-organisa ng community party sa Maynila.
Ayon sa alkalde, ito ay bilang patunay na “goods deeds need no permit”.
Ang pahayag ng alkalde ay kasabay ng utos kay Manila Police District (MPD) Director P/BGen. Leo ” Paco” Francisco na siguraduhing ang lahat ng police stations ay hahayaan ang community pantries at walang huhulihin alinman sa mga ito.
“We don’t require permit. Good deeds need no permit. Nagpapasalamat ako sa Diyos na sa gitna ng kahirapan ng bawat isa sa pandemyang ito ay umiiral ang pagmamahal at pagmamalasakit ng ating kapwa at ito ay gagamitin nating inspirasyon sa paglilingkod sa bayan upang pagbutihin pa ang ang serbisyo ng pamahalaang-lungsod lalo na yung Food Security Program 2021…maraming salamat sa lahat ng mamamayan na gumagawa ng kabutihan sa kapwa. Manatili po sanang ganyan at walang susuko. Kaya natin ito at may awa ang Diyos, makakaraos din tayo,” pahayag ng alkalde.
Pinuri naman nito ang negosyanteng si Ann Patricia Non na ang itinayong Maginhawa Community Pantry sa Quezon City na nag-viral ang pinagsimulan ng mas marami pang community pantries sa bansa.
Maging ang mga residente ay pinuri rin ni Moreno at sinasabing gumaya at sumunod sa paglalagay ng pantries katulad sa Padre Noval St. sa Sampaloc, Manila.
“Maraming salamat Ann, na-inspire mo ang mga Batang Maynila. ‘Yung kanyang kabutihang-loob, dahil maganda ang intensyon, naturally nagkaroon ng growth kaya ginaya, kesa kung bilasa ang intensyon o pakitang-tao. dapat papurihan kasi mabuti ang pagkakawanggawa,” pahayag ni Moreno
Ayon pa sa alkalde, ang magagandang gawa ay walang katumbas kundi papuri at walang ibang dapat na gawin ang mga nasa pamahalaan kundi ang magpasalamat at mag-isip ng paraan kung paano matutulungan ang pamayanan dahil ang kanilang ginagawa ay kabawasan sa trabaho ng gobyerno.
Inihayag ito ni Moreno makaraang magpadala ng text message kay Gen. Francisco, at inutusang impormahan ang lahat ng police stations at presinto sa lungsod na walang aarestuhin at tiyaking ligtas ang sinuman na maglalagay ng community food pantries sa lungsod. (RENE CRISOSTOMO)
112
