DILG nagbabala sa paglalagay ng tarpaulin, posters ‘WAG UMEPAL SA PANTRIES

HINDI papayagan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga ‘epal’ na politiko o indibiduwal na gustong pumapel sa community pantry.

Sa Talk To The People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Miyerkoles ng gabi ay sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na kailangang magpatupad ang mga organizer ng community pantries ng “Anti-Epal policy,” kung saan ang government officials at iba pang indibidwal ay pinagbabawalan na gamitin ang nasabing social activity para sa personal, political o propagandang layunin.

“Hindi po natin papayagan na magkakaroon ng epal o . . . Maglalagay ng anumang signage, billboards, posters bearing pictures, pangalan, o images ng mga tao na nagsasagawa ng community pantry, lalo na po ang mga politicians na gusto pumapel dito sa community pantry,” diing pahayag ni Año.

Kasabay nito ay inanunsyo ng DILG ang ‘guidelines’ na susundin ng civilian community pantries na tila kabute na nagsulputan na sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon sa Kalihim, ang standards sa community pantries ay naglalayong tiyakin na masusunod ang health at safety protocols, at mapayapa at maayos sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa kabilang dako, tiniyak ni Año na hindi kailangan ng organizers ang permit mula sa local government units para magtayo ng community pantries.

Ang paalala pa ni Año sa mga organizer ng community pantry ay magsuot ng face masks at face shields, i-observe ang physical distancing at iba pang pangunahing health protocols.

Huwag din aniyang magbigay ng illegal items, gaya ng alak at sigarilyo; huwag pagbayarin ang beneficiaries; kailangan na ‘closely coordinate’ ang mga organizer at LGUs at ang karapatan ng lahat ng lalahok ay marapat lamang na respetuhin at protektahan. (CHRISTIAN DALE)

245

Related posts

Leave a Comment