SC: HACIENDA LUISITA FARMERS BAYARAN

NELSON S. BADILLA

BAYARAN nang tama ang 6,296 magsasaka ng Hacienda Luisita Inc. (HLI) na pag-aari ng pamilya ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Ito ang pinal na desisyon ng Korte Suprema, o Supreme Court (SC), hinggil sa kontrobersiyal na kaso sa lupa ng mga magsasaka laban sa pamilya Aquino at Cojuangco.

Sa botong 14-0, idiniin sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting na kinakailangang mabigyan ng “just compensation” ang HLI upang mabayaran nang tama ang 6,296 magsasakang benepisaryo ng repormang agraryo.Ang napakalawak na asyenda ng pamilya Aquino at Cojuangco ay kasama sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng namayapang Pangulong Corazon Cojuangco Aquino, nanay ni Benigno.

Ang CARP ay nakabatay sa Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL) na naging batas noong 1987.

Ngunit, hindi napakinabangan ng mga magsasaka sa asyenda ng mga Aquino at Cojuangco ang CARP dahil mistulang ginawang “exempted” sa panahon ni Corazon Aquino ang nasabing lupain mula sa CARP.

Sa halip, ipinatupad sa asyenda ang konseptong “stocks distribution”.

Patuloy na nakibaka ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita laban sa pamilya Aquino at Cojuangco.

Noong 2005 kung saan si Gloria Macapagal-Arroyo ang pangulo ng bansa, ibinasura at pinawalang-bisa ito ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC).

Batay sa 20 pahinang desisyon ng pinakamataas na korte sa bansa, pinal na desisyon na ang ginawa ng korte.

“Clearly, the issue on HLI’s entitlement to just compensation has been squarely settled. More importantly, the court’s ruling on this matter has already become final and executory,” paliwanag ng desisyon.

“At this point, the court no longer sees any further need to clarify other matters … The court cannot allow the parties to prolong these proceedings by filing motion after motion only to perpetually deflect/delay [a legal] obligation,” patuloy ng korte.

Ang desisyon ay tuluyang tumapos sa mosyon ng dalawang organisasyon ng mga magsasaka hinggil sa resulta ng “special audit panel” na nagdeklarang higit na mataas ang “corporate expenses” ng HLI kumpara sa kita ng natitirang ari-arian ng asyenda.

Ang desisyon ng labing apat na mahistrado ay pagkilala at pagpapatibay sa desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 5, 2011.

Natapos ang desisyon noong Disyembre 9, 2020, ngunit isinapubliko lamang nitong Abril 26.

Binanggit sa desisyon na: “Any effort to once again seek the court’s intervention on matters already settled and clarified will be viewed as mere attempts to delay the execution/implementation of the present case”.

Batay sa unang desisyon ng mataas na korte noong 2011, kailangang magbuo ng komite ang Department of Agrarian Reform (DAR), PARC, Registry of Deeds (RD) at HLI upang kumpletuhin ang lahat ng mga dokumento upang maipatupad ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa pagbabayad nang tama sa 6,296 magsasaka.

Ipinaalala ng mataas na korte na ang pondong ibabayad sa HLI ay magmumula sa pondo ng programa ng DAR sa repormang agraryo.

Kaya, kailangan ding makipag-ugnayan ang DAR sa Land Bank of the Philippines (LBP) upang matukoy ang halagang ibabayad sa HLI na ibibigay sa mga magsasaka, saad ng korte.

Ang bayad ng DAR sa HLI ay kinakailangang ibatay sa presyo ng lupa ng HLI na umiiral noong 1989.

321

Related posts

Leave a Comment